APELA NG COMELEC: KANDIDATO IBAWAL SA GRAD RITES

Comelec Spokesperson James Jimenez-3

NANAWAGAN ang Commission on Elections (Comelec) sa pamunuan ng mga eskuwelahan sa bansa na huwag mag-imbita sa kanilang graduation rites ng mga politikong tumatakbo sa May 13 elections.

Ito ay dahil nalalapit na ang panahon ng pagtatapos ng klase at inaasahang pagdaraos ng mga graduation at recognition ceremonies ngayong buwan ng Marso at Abril, na pasok pa sa panahon ng kampanyahan.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, bagaman walang probisyon na nagbabawal sa mga kandidato na maimbitahan sa mga pagtitipon, gaya ng graduation ceremonies ay mas mabuting huwag na lamang silang imbitahin upang hindi sila maakusahan ng pagiging partisan.

Paliwanag pa ni Jimenez, kung pipilitin ang mga staff ng paaralan na ma­kinig sa isang kandidatong iimbitahang maging guest speaker, ay mistulang ini-impose mo na sa kanila ang iyong pananaw na pampulitika.

“It’s the appearance of impropriety that we want to avoid,” dagdag pa ng poll official.

Gayundin, bukod sa apela sa mga paaralan, babantayan din ng Comelec  ang public utility vehicles (PUVs) na maglalagay ng mga campaign material tulad ng poster.

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, maituturing na election offense at paglabag sa mga nakasaad na kondisyon sa prangkisa ang paggamit sa mga pampublikong sasakyan bilang campaign medium.

Aniya, makikipag-ugnayan na ang Comelec sa ibang ahensiya tulad ng MMDA, Land Transportation Office at LTFRB Para mahuli ang mga lalabag na PUVs.

Para naman kay LTFRB chairman Martin Delgra, wala siyang nakikitang problema sa paglalagay ng mga posters sa mga pampublikong sasakyan basta’t alinsunod aniya ito sa itinakdang standards ng Comelec.

Binigyang diin ni Delgra, pinapayagan ang mga palalagay ng anumang election materials sa lahat ng uri ng PUV sa ilalim ng Memorandum Circular 2015-029.

Kaya’t muling nananawagan ang Comelec sa publiko na isumbong ang sinumang kandidato na gumagamit ng government resources para sa kanilang kampanya, gayundin ang mga may illegal campaign materials, o yaong hindi sumusunod sa takdang sukat at wala sa common poster areas.

Nauna rito, inilabas ni Guanzon ang listahan ng 40 kandidatong may mga nakalagay pang ilegal na campaign ads kahit tapos na ang ibinigay na grace period sa mga ito noong Pebrero 14.

Ilan naman sa mga pinangalanan kandidato ang umalma sa ginawang pagpapangalan sa kanila ng Comelec.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.