NANAWAGAN sa pamahalaan ang isang consumer group na higpitan ang pagpapatupad ng mga alituntunin o regulasyon sa mga imported product, partikular sa mga pagkain at farm product.
Ayon kay dating Trade Undersecretary at ngayo’y Laban Konsyumer, Inc. (LKI) president Victorio Mario Dimagiba, masyadong maluwag ang import rules ng pamahalaan at posible itong magdulot ng panganib sa publiko.
Binanggit ni Dimagiba ang naging sentimyento ni trade at food safety expert Jhunafe Ruanto kung saan nagpahayag ito ng pagkabahala sa pamamayagpag ng mga imported food product sa mga pamilihan kahit wala at kulang sa English o Filipino translations ang pakete ng mga ito.
Nagbabala rin si Ruanto sa mga consumer laban sa pagbili ng mga produkto galing sa ibang bansa dahil posible umanong smuggled goods ang mga ito at hindi pasok sa safety standards ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni Dimagiba na dapat ay wala sa mga merkado ang nabanggit na mga produkto dahil hindi naman ito bibigyan ng product registration ng Food and Drug Administration (FDA), maliban na lamang kung may tamang label ang mga ito. DWIZ 882
Comments are closed.