(Apela ng DedEd) HUSTISYA SA 2 GURO NA BINARIL

NORTH COTABATO- UMAPELA ang Department of Education sa militar at pulisya na mabigyan ng hustisya ang pamamaril sa dalawang guro na ikinasawi ng isa habang malubhang ikinasugat ng kasama nito sa Pikit sa lalawigang ito.

Kasunod ito ng ginawang pag kondena ng mga opisyales ng DepEd at maging ng lokal na pamahalaan ng Cotabato sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek na responsable sa pamamaril sa mga guro noong nakalipas na Linggo.

Kinilala ang mga guro na sina Joel Reformado at Elton John Lapinid mula sa Barangay Silik na binaril habang patungo sa Barangay Poblacion gamit ang kalibre 45 pistola.

Itinuturing naman ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na karumal-dumal ang ginawang pamamaril sa mga itinuturing na mga pangalawang magulang ng mga kabataang mag- aaral.

Sa pahayag ng DepEd Cotabato Division, nakikiisa sila sa pagdadalamhati ng mga pamilya, kamag-anak, kapwa-guro, at mga kaibigan ng mga biktima.

Kasalukuyang kinikilala pa ng mga awtoridad ang mga responsable sa krimen kasabay ng pagtukoy sa motibo sa pamamaril.

Kahapon ay pinulong ng militar at pulis ang mga guro kasama ng kani-kanilang mga punong guro upang pag-usapan ang mga hakbang upang bigyan sila ng seguridad papunta sa kani-kanilang paaralan. VERLIN RUIZ