NANAWAGAN ang isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa mga tagasuporta ng mga partidong pampulitika na huwag magpako ng campaign materials sa mga puno, itinanim man o natural na lumaki.
Umaapela si Joselito Blanco, hepe ng Department of Environment and Natural Resources-Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) sa Palayan City, Nueva Ecija, sa mga kandidato na tiyaking maglalagay lamang sila ng campaign materials sa loob ng mga itinalagang common posting areas at hindi sa mga puno.
Binanggit ni Blanco na ang pagpapapako ng anuman sa mga puno ay paglabag sa Section 3 ng Presidential Decree 953.
“Sinasabi rito na damaging or injuring naturally grown or planted trees of any kind is punishable with imprisonment of not less than six months and not more than two years or fine of not less than PHP500 or not more than PHP5,000 or both,” pahayag nito.
Nakatanggap ng mga ulat na ilang posters o tarpaulins ng mga kandidato at iba pang mga advertisement ang ipinapako sa mga puno.
Aniya, kahit sa labas ng election period, ang DENR ay binibigyang kapangyarihan ng batas na tanggalin ang anumang materyal na nakakabit sa mga puno sa paraang nakakasira sa mga halaman.
Ipinaliwanag niya na ang nakapakong bahagi ay magsisilbing entry point para sa fungi, na kalaunan ay papatay sa puno.
“Nanawagan tayo sa mga supporter ng mga kandidato na huwag magpako sa mga puno,” ani Blanco.
Sinabi pa nito na maaring hindi alam ng mga kandidato ang maling gawi ng ilang supporters. PNA