APELA NG DENR SA PUBLIKO: MAGTIPID SA TUBIG

Secretary Roy Cimatu-3

HINIKAYAT ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga residente ng Metro Manila na magtipid sa tubig kahit panahon na ng tag-ulan.

Ayon kay Cimatu, sa kabila ng pagsisimula ng tag-ulan,  dapat  patuloy na mag-ipon at magtipid sa tubig sa pamamagitan ng pag-recycle ng tubig ulan upang maiwasan ang karagdagang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat dam.

Sinabi pa nito na makikinabang pa rin ang Angat dam sa ulan na bumabagsak sa tubig saluran kung ang mga ito ay nakolekta para sa mga ‘di mahahalagang gamit tulad ng paglilinis ng sasakyan at flushing ng mga banyo.

Ang panawagan ay ginawa sa kalagitnaan ng kakulangan ng ulan sa mahigit 62,300 hectares na Angat Watershed Reser­vation.

Ipinahayag pa ni Cimatu na ang simpleng mga panukala sa pagtitipid ay makatutulong para mabawasan ang demand na milyon-milyong litro ng tubig sa Angat dam.

Ang tubig sa Angat dam na nagbibigay ng 96 porsiyento ng mga pa­ngangailangan ng tubig sa Metro Manila para sa 12.8 milyong residente nito, ay nagmula sa watershed’s basin na sumasaklaw sa mga bayan ng Doña Remedios Trinidad, Norzagaray at San Jose Del Monte sa Bulacan.

Nanawagan din si Cimatu sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang unahin ang pagpasa ng isang ordinansa na nagtuturo sa kanilang mga nasasakupan  ng tamang  pagtitipid sa tubig.

Nitong Martes ay nakitang nasa  kritikal na antas ang tubig sa dam  para sa domestic water supply. BENEDICT ABAYGAR, JR.