(Apela ng DILG sa LGUs) COMELEC TULUNGAN VS ILLEGAL CAMPAIGN MATERIALS

HINILING ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa local government units (LGUs) na tulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa pagsugpo sa campaign materials na lumalabag sa mga batas sa halalan.

Sa DILG Memorandum Circular 2023-105, sinabi ni Abalos na ang DILG, LGUs at iba pang ahensiya ng gobyerno ay deputized ng Comelec sa pamamagitan ng Resolution No. 10924 upang tulungan ang poll body sa pagtanggal at pagsira sa mga labag sa batas na mga materyales sa propaganda ng halalan.

Sa kaparehong direktiba ng DILG, inatasan din ni Abalos ang mga LGU na magbigay sa Comelec ng mga kinakailangang kagamitan para sa pagtanggal ng mga labag sa batas na materyales sa halalan; magtalaga ng mga LGU personnel na tutulong sa Comelec sa kampanya; maglabas ng mga executive order para sa pagtatalaga ng mga tauhan ng LGU/barangay tanod (mga bantay sa nayon) at bigyan sila ng kinakailangang tulong upang maisagawa ang kanilang tungkulin; at atasan ang mga itinalagang tauhan na makipag-ugnayan sa opisyal bago magwasak ng mga labag sa batas na materyales sa halalan.

Ipinagbabawal ng Section 240 ng Comelec Resolution No. 10924 ang pag-imprenta, paglalathala, pagpapaskil, at pamamahagi ng anumang uri ng campaign materials na hindi nagtataglay ng pangalan ng nagbabayad o kandidato na makikinabang sa propaganda ng halalan na inilimbag o ipinapalabas.

Kaugnay nito, ipinagbabawal din ang pag-post, pagpapakita ng anumang materyal sa halalan sa labas ng mga awtorisadong common poster area, sa mga pampublikong lugar, o pribadong pag-aari nang walang pahintulot ng may-ari nito.

Ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) sa Oktubre 30 ay binibigyan panahong pangangampanya mula sa Oktubre 19 hanggang sa Oktubre 28.
EVELYN GARCIA