UMAPELA kahapon si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga malalaking negosyo sa bansa na patuloy na pasuwelduhin ang kanilang mga empleyado kahit pa hindi sila nakakapasok sa trabaho bunsod na rin ng pinalawig na Luzon-wide enhanced community quarantine dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang panawagan ay ginawa ni Bello matapos na umakyat na sa 1-million mark ang bilang ng mga displaced worker sa bansa, kung saan 98% ng halos 42,000 reporting establishments ay humihingi ng P5,000 one-time assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa ilalim ng social amelioration scheme COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
“I once again knock in the kind hearts of our employers, especially the conglomerates and big businesses. Please extend further your generosity to your employees and workers. Your good-heartedness and compassion is a great help to the government,” ayon pa kay Bello.
Base sa ulat mula sa regional offices ng DOLE, may 1,048,649 manggagawa sa formal sector ang apektado ng temporary closures o kaya’y mayroong flexible work arrangements.
“This figure is on top of the close to quarter of a million informal sector workers needing assistance under the Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers Program-Barangay Ko, Bahay ko (TUPAD-BKBK) program,” anang DOLE.
Nabatid na hanggang nitong Abril 11, ang pinakamataas na displacement ng mga manggagawa ay naitala sa Metro Manila na may 246,810 workers, kasunod ang Central Luzon (179,875 workers), Calabarzon (99,178), Davao region (90,414) at Region 2 (75,189), Central Visayas (51,150), Cordillera region (46,614), Region 10 (46,351) at Bicol region (41,322).
“Region 6 recorded 36,526 with MIMAROPA at 30,721 workers. The areas with the least affected workers are CARAGA at 26,981; Region 8 at 24,940; Region 9 with 24,664; Region 1 at 17,378 and Region 12 at 11,536,” ayon pa sa DOLE.
Karamihan umano sa mga pinakaapektado ay na-displace dahil sa pansamantalang pagsasara ng may 31,612 establisimiyento na kinasasangkutan ng may 719,649 manggagawa, at 10,224 enterprises na nagpatupad naman ng flexible work arrangements, gaya ng pagbabawas ng araw ng pasok, pagkakaroon ng work rotation, pagpapatupad ng forced leave at pagtatrabaho sa bahay o work from home at telecommuting, at nakaapekto sa may 366,404 manggagawa.
Karamihan din sa naturang mga manggagawa ay yaong nagtatrabaho sa manufacturing, hotel, restaurants at tourism-related sectors, at edukasyon.
Sinabi naman ni CAMP program implementer OIC Asst. Secretary Dominique Rubia-Tutay na nakatulong na ang DOLE sa may 180,000 manggagawa ng kabuuang halaga na aabot sa halos P900 milyon.
“With P1.61 billion in available funds under the program, the labor department will reach about 322,000 workers with the assistance,” ani Tutay.
Bukod sa CAMP, nagkakaloob din ang labor department ng tulong sa pamamagitan ng kanilang TUPAD-BKBK program.
Ayon kay Director Karen Trayvilla ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ang TUPAD-BKBK program ay nakapagbigay na rin ng assistance sa may 138,000 informal sector workers hanggang nitong Biyernes, Abril 10, at nakapagproseso na ng kabuuang 235,949 beneficiaries sa ilalim ng programa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.