NANAWAGAN kahapon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mall at commercial establishment owner na babaan ang rental fees upang muling makapagbukas ang maliliit na negosyo.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, bagama’t unti-unti nang pinapayagan ang mga negosyo na bumalik sa operasyon, may ilan na nananatiling sarado dahil hindi nila kayang bayaran ang mataas na upa.
“Pero sa panahon na marami pong naghihirap lalo na mga MSMEs [micro, small and medium enterprises], kahit ‘yung nagbukas na, ‘yung iba ayaw pa ring magbukas kasi tatakbo ‘yung upa and at the same time, wala pa naman masyadong consumers, namimili,” pahayag ni Lopez sa isang radio interview.
“Kaya ang solusyon po roon, katulad ng ginawa ng isang mall, winaive nila ‘yung fees, part ng renta at percentage na lang ang sinisingil nila para lang bumalik ‘yung mga shop owner at magbukas dahil kung hindi, talagang hindi kakayaning bayaran ‘yung upa kung dating rate,” dagdag pa niya.
Sa kanyang ika-5 State of the Nation Address ay umapela si Presidente Duterte sa mga lessor na maging ‘patas at maaawain’ sa kanilang tenants sa gitna ng pandemya.
Dagdag ni Lopez, mahalagang maging mapagbigay ang mga lessor sa kanilang mga tenant para makabalik ang mga ito sa pagtitinda.
“Kaya importante ay magbigay ng kaunti dahil ang mangyayari po nito kapag hindi po sila nagbigay ng mas mababang paupa, talagang unti-unti pong mawawala ang mga manininda at baka wala na ring umupa sa kanila pagtagal.”
Comments are closed.