(Apela ng hog farmers sa gov’t) SUBSIDIYA SA ASF VACCINE

vaccine-asf

NANAWAGAN ang National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI) sa pamahalaan na magbigay ng subsidiya, o kahit man lang sagutin ang kalahati ng presyo ng bakuna laban sa African Swine Fever, upang matulungan ang small and medium scale local hog farmers.

Ayon kay NFHFI President Chester Tan, bagama’t wala pang tiyak na presyo kada ASF vaccine dose na inilalabas, ito ay nasa pagitan ng P400 at P600, na masyadong mahal para sa mga magsasaka.

“Sana hindi maging totoo ito presyong P400 to P600. Napakamahal po. Hindi na ito affordable tsaka hindi na siya ganun ka-feasible. Kapag ganyan ang amount ay baka hindi na gumamit imbes gusto ng lahat ay gumamit eh napakataas ng presyo,” pahayag niya sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“Ang hinihiling namin sa ating gobyerno, na sana magkaroon ng subsidy. Kung hindi man libre, sana ma-absorb nila…ma-shoulder nila ‘yung kahit na 50% sa commercial farms lalo sa mga small scale raisers,” dagdag pa niya.
Umaasa si Tan na magkakaloob ng pondo ang ahensiya, na pinamumunuan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang concurrent Agriculture secretary, para sa ASF vaccine.

Noong Biyernes ay inirekomenda ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Food and Drug Administration (FDA) ang Vietnam-manufactured Avac vaccine laban sa ASF.

Ayon kay BAI Assistant Director Dr. Arlyn Asteria Vytiaco, isinumite na nila ang kanilang letter of recommendation para sa pag-apruba ng FDA makaraang mapatunayan ang kaligtasan at efficacy nito sa clinical trials na isinagawa sa anim na farms sa Luzon.

Sinabi ng BAI na lumabas sa clinical trials ang tumaas na lebel ng antibodies laban sa ASF sa lahat ng samples na ginamit sa trial.

“Napakalaking tulong ng bakuna na to sa pag-control ng ASF kasi alam natin na patuloy ang pagkalat, maraming swine stakeholder ang naghihintay nito,” ani Vytiaco.

Sa sandaling aprubahan, ang BAI ay aangkat ng hindi bababa sa 600,000 doses mula sa vaccine manufacturer sa Vietnam.

Ang “Avac” vaccine ay isang single-shot vaccine para sa mga baboy na may edad 4-10 weeks.
Sa kasalukuyan ay may 15 lalawigan sa bansa ang may aktibong kaso pa rin ng ASF.