ALBAY – HINILING ng mga naistranded na pasahero sa Legazpi City sa Philippine Coast Guard at lokal na pamahalaan na payagan na silang makabiyahe sa dagat patungong Rapu-Rapu.
Sa ulat, isang linggo na ang pagkaantala ng biyahe dahil sa masungit na lagay ng panahon.
Sa pahayag ni Municipal Councilor Don Beruega, daing ng mga ito na kapos na sa budget ng karamihan, lalo na sa pangkain.
Nakikitulog din aniya sa mga bahay malapit sa pantalan ang ilan habang ang iba naman ay walang gaanong kakilala sa lugar ay pinipiling mag-latag ng kumot at matulog sa tabi o kaya sa ilang nakaparadang tricycle.
Nabatid na mula Disyembre noong nakaraang taon nang magbaba ng polisiya ang Legazpi Port na mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng hatinggabi lamang ang pagpapapasok sa mga biyahero sa pantalan.
Ayon pa kay Beruega, nagtataka umano ito kung bakit may nakataas pa ring gale warning sa naturang bahagi ng Albay Gulf gayong kalmado na ang karagatan kaya’t makikipagdayalogo ito sa PCG at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PA-GASA).
Samantala, nanindigan ang PCG na kaligtasan lamang ng biyahero ang nilalayon sa naturang sitwasyon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.