(Apela ng mga residente sa Senado) PRANGKISA NG NEPC APRUBAHAN NA

NANAWAGAN ang mga residente ng Central Negros sa Senado na tapusin na ang kanilang paghihirap sa kakapusan ng suplay ng koryente sa pamamagitan ng pag-apruba sa prangkisa ng kompanyang sasalo sa distribusyon ng koryente sa lugar.

Sa kanilang joint statement sa Senate Committee on Public Services, hiniling ng community associations ng Bacolod City, Negros Occidental na aprubahan ang congressional franchise ng Negros Electric and Power Corporation (NEPC).

Sa pagdinig ng prangkisa, tiniyak naman ni Senadora Grace Poe, chairperson ng komite, na walang dapat ipag-alala ang mga tauhan ng Central Negros Electric Cooperative dahil lahat ay makikinabang sa sandaling maisaayos ang serbisyo ng koryente.

Kasabay nito, iginiit  ng homeowners-consumers ang kanilang pagkadismaya sa serbisyo ng Central Negros Electric Cooperative na labis umanong nakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Ayon kay Jesben Duday, chairperson ng Parents of Purok Riverside Incorporated, ipinagkait sa kanila ang maaasahang power supply at epektibong serbisyo sa loob ng ilang dekada sa kabila ng regular nilang pagbabayad ng electrict bill.

Sinabi naman ni Julie Alob, chairperson ng Banago Yuhom Takers Association, na binalikat nila ang bigat sa bayarin sa system loss mula sa operasyon ng CENECO.

Samantala, ipinaalala ni Nona dela Cruz, chairperson ng Tinagong Paraiso Empowered Women’s Organization, na dahil sa kawalan ng elektrisidad ay nahihirapan silang magluto, kumuha ng mga balita at impormasyon sa radyo at telebisyon at wala rin silang suplay ng tubig para sa inumin at personal hygiene.

Sa panig ni Mahimulaton Home Owners Association Chairperson Jun Mart Tan, binigyang-diin niya na sa halip na kaginhawahan ay paghihirap ang idinulot sa kanila ng serbisyo ng CENECO.

Kaya naman  naniniwala ang mga ito na napapanahon nang isailalim sa rehabilitasyon ang imprastraktura ng CENECO at tanging isang pribadong distribution utility ang may sapat na kakayahang pinansiyal, teknikal at managerial expertise para gawin ito.

Magkakasama ring inaprubahan ng member-consumer-owners ang joint venture ng CENECO at NEPC sa isang plebesito noong isang taon.

Nakatakdang bilhin ng Primelectric Holdings Incorporated, mother company ng NEPC, ang lahat ng electric distribution assets ng CENECO sa pamamagitan ng 70 percent cash at 30 percent share sa sandaling maaprubahan ang congressional franchise ng NEPC para sa operasyon sa mga lungsod ng Bacolod, Bago, Silay, at Talisay at munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto.

VICKY CERVALES