Apela ng Newsnet, ibinasura ng Palasyo

Ibinasura ng Office of the President (OP) ang apela ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet) na mabaligtad ang isang desisyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na nagbabalewala sa naunang pagbibigay ng ahensiya ng “automatic approval” sa aplikasyon ng kompanya na “mag-install, mag-operate, at mag-maintain” ng isang Local Multi-point Distribution System o LMDS.

Ang Newsnet ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Mel Velarde.

Pinagtibay ng Palasyo na hindi saklaw ng Republic Act No. 11032 o ang “The Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018” ang mga aplikasyon kapag tungkol sa mga radio frequency assignments dahil nasa kapangyarihan dapat ito ng regulatory body ng pamahalaan at sa kasong ito’y ang National Telecommunications Commission (NTC).

Sa desisyon na may petsang Marso 31, 2023 at pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa ngalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., “moot and academic” na ang apela ng Newsnet dahil nag-expire na rin ang legislative franchise ng korporasyon kung kaya’t diskuwalipikado na ito na makapag-operate ng mga radio transmitters at receivers, kabilang ang LMDS, at mabigyan ng kahit na anong radio frequency.

“While it may be argued that the operation of a CATV does not require the grantee to have a prior legislative franchise, the same is not applicable to Newsnet since the object of its Application is the operation of an LMDS, a wireless service which makes use of a frequency spectrum,” anang OP sa 16 na pahinang desisyon nito.

Binaril din ng OP ang pagmamatigas ng Newsnet na hindi raw maaaring talikuran ng ARTA sa batas ang kautusan ng ahensiya noong Pebrero 2020. Ayon sa Palasyo, humatol na rito ang Department of Justice (DOJ) noon kung saan sinasabi na nagmalabis sa kapangyarihan ang ARTA nang paboran nito ang reklamo ng Newsnet at mag-utos sa NTC na magbigay ng radio frequency.

Nanindigan ang DOJ na walang katuturan at hindi magkakabisa kailanman ang kautusan dahil “null and void” ito mula sa simula dahil wala naman ito sa hurisdiksyon ng ARTA.

Binanggit din sa desisyon ng OP na isang pangunahing dahilan sa pagsasantabi nito sa apela ng Newsnet ay ang patuloy na pagpo-forum shopping ng kompanya kung saan naghain din pala ito ng kaparehong kahilingan sa Court of Appeals.