(Apela ng NWRB sa publiko bilang paghahanda sa El Niño)MAGTIPIDMAGTIPID NG TUBIG

maduming tubig

NANAWAGAN kahapon ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magsimula nang magtipid ng tubig at gamitin ito nang tama sa gitna ng napipintong El Niño o tagtuyot.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., sa kasalukuyan, ang water level sa Angat Dam, na pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila, ay nasa 196.5 meters o “within operating level”.

Ang minimum operating level ng dam ay nasa 180 meters.

Ani David, naghahanap ang NWRB at iba pang water-related agencies ng pamahalaan ng mapagkukunan ng tubig bilang paghahanda para sa epekto ng El Niño sa huling bahagi ng taon.

“Ano ang magagawa ng publiko sa sitwasyon natin? Tingnan natin kung papaano makakatulong ang publiko,” aniya.

“Gusto natin i-advocate ang tamang paggamit [ng tubig]. Water conservation po,” dagdag pa ni David.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maglabas sila ng El Niño Alert sa susunod na buwan sa pagtaas ng tsansang maganap ang weather phenomenon.

Ayon sa PAGASA, pagsapit ng July, August, at September ay may 80% chance na maganap ang El Niño, at magsisimula ang tagtuyot sa October, November, at December. Ang full impact ng tagtuyot ay mararamdaman naman sa January, February, March, at April.

“Habang wala pa ang El Niño tingnan na natin kung papaano tayo makakatulong para pagdating ng kasagsagan ng El Niño ay nakahanda tayo,” ayon pa kay David.