(Apela ng PGH sa COVID-19 survivors) MAG-DONATE NG DUGO, PLASMA!!

Jonas del Rosario

NANANAWAGANG muli ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) sa mga COVID-19 survivor na mag-donate ng dugo o plasma na gagamitin para makatulong sa mga pasyenteng patuloy pang nakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PGH Spokesman Dr. Jonas del Rosario, sa ngayon ay nasa 60 na ang nagpahayag ng kahandaang mag-donate ng dugo o plasma.

Gayunman,  sa bilang  na ito ay 21 pa lamang ang nakakapasa sa mabusising screening na ginagawa sa mga donor.

Ang magandang balita naman aniya, 19 na COVID survivors umano ang nakapag-donate na, at nasa siyam na pasyente ang tumanggap ng plasma donations.

Kabilang sa mga naturang pasyente ang anim na mula sa PGH, isa naman sa Manila Doctors Hospital at dalawa sa Asian Hospital.

Kaugnay nito, sinabi ni Del Rosario na wala namang dapat ikatakot sa pagdo-donate ng dugo.

Paliwanag pa niya, ang mga survivor ay hindi naman na  nakakahawa at ito rin ang magandang pagkakataon para makatulong ang bawat COVID- 19 survivor  sa iba pang pasyenteng tinamaan ng virus.

Samantala, inamin naman ni Del Rosario na ang convalescent plasma therapy ay maituturing na isang investigational treatment pa para sa COVID-19, bagamat nagamit na rin aniya ito sa ilang sakit gaya ng MERSCOV AT SARS, na mga uri rin ng coronavirus.

Paliwanag niya, sa ilalim ng plasma therapy kinukuha ang plasma mula sa pasyenteng gumaling sa COVID-19.

Ang plasma ay may antibodies na siya namang ibinibigay sa mga COVID- 19 patient na patuloy pang nakikipaglaban sa sakit.

Ang mga survivor na nais mag-donate ng dugo ay maaaring tumawag sa PGH hotline numbers na 155-200 o makipag-ugnayan kay Dr. Sandy Maganito sa numerong 0917 805 3207.

Ani Del Rosario, libre ang pagbibigay ng mga nakalap na plasma donations sa COVID patients. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.