IBINASURA ng Court for Arbitration on Sport (CAS) ang apela ng Philippine Swimming Inc. (PSI) laban sa World Aquatics at pinanatili ang pagpapatupad ng pag-atras ng pagkilala ng world body sa national sports association at ang paglikha ng Stabilization Committee (SC) na mangangasiwa sa swimming sa bansa.
Ang pagbasura ng CAS sa apela ay nakasaad sa isang 16-page letter na may petsang Thursday, February 2, 2023, at nilagdaan ni Dr. Elisabeth Steiner, Deputy President ng CAS Appeals Arbitration Division.
“The request for a stay of execution of the decision rendered by the FINA Bureau on 3 and 15 December 2022 filed by the Philippine Swimming Inc. on 20 December 2022 and supplemented on 12 and 19 January 2023 in the matter CAS/2022/9351 Philippine Swimming Inc. v. World Aquatics (formerly known as Federacion Internationale de Natation (FINA), is dismissed,” nakasaad sa CAS document.
Sa pagdismis sa apela, pinagtibay ng CAS ang kautusan ng World Aquatics para sa paglikha ng Stabilization Committee— na binubuo nina Atty. Wharton Chan, Valeriano “Bones” Floro at Arrey Perez— para pangasiwaan ang operasyon na dapat sana ay sa PSI bilang national federation ng sport.
“This reaffirms the world swimming body’s order for us in the Stabilization Committee to continue with our task, which, among others, include handling the day-to-day affairs of the swimming NSA, draft its new by-laws and recommend for the holding of elections of its board of trustees,” sabi ni Chan.
Wala nang tatlong buwan bago ang 32nd Southeast Asian Games, sinabi ni Chan na pangunahing prayoridad din nila ang pagsasagawa ng trials para sa mga miyembro ng swimming team sa Cambodia.
Nauna nang inanunsiyo ng Stabilization Committee ang pagsasagawa ng open tryouts para sa national teams para sa swimming, diving at water polo sa February 18 at 19 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.