NANAWAGAN ang isang agricultural umbrella group sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na muling ikonsidera ang kautusan nito na i-exempt ang processed meat products sa domestic transport bans habang wala pang thirdparty tests na magpapatunay na ligtas sa African Swine Fever (ASF) virus ang naturang mga produkto.
Sa isang liham kay DILG Secretary Eduardo M. Año, nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) sa napaulat na direktiba ng kalihim na nag-uutos sa local government units (LGUs) na alisin ang ban sa processed pork products.
“As admitted no less by the President of the Philippine Association of Meat Processors (Pampi), no testing has ever been done to determine if their products are ASF-free or not,” wika ni Sinag Chairperson Rosendo O. So sa liham.
Paliwanag ni So, hiniling na ng Sinag sa Department of Agriculture (DA) na kumuha ng isang independent third-party service para magsagawa ng laboratory tests sa frozen meat products subalit walang nangyari.
“There is yet any testing done that will ascertain if these processed pork products are free from the African Swine Fever (ASF) virus,” aniya.
“We have requested the Department of Agriculture to test all frozen meat in cold storage facilities, thru an independent third party like the SGS but no official action has been taken,” dagdag pa niya.
Ani So, may ilang insidente na nagkumpirma sa kontaminasyon ng processed pork na pumasok sa bansa. Bukod dito, isang Pampi member, aniya, ang umangkat ng pork products mula sa banned countries.
“In previous meetings, when asked by DTI Secretary Ramon Lopez if Pampi will be accountable for any of their products that will be found to be contaminated with ASF, the response was they cannot be accountable for the actions of any of their members,” sabi ni So.
Sa kanyang liham ay tinukoy rin ni So ang mga naunang insidente kung saan ang mga naharang at nakumpiskang canned goods ng awtoridad ay napatunayang kontaminado ng ASF virus.
Noong Lunes ay nagpalabas ang DILG chief ng kautusan na nag-e-exempt sa processed meat products sa ban na ipinatupad ng LGUs bilang preventive measures laban sa ASF.
Sa kanyang direktiba ay inatasan ni Año ang lahat ng LGUs na i-exempt ang Food and Drug Administration (FDA)-certified processed meat products sa kanilang import bans.
Ito ay sa gitna ng pahayag ng Philippine Association of Meat Processors Inc. na ang kanilang grupo ay maaaring malugi ng mula P50 billion hanggang P60 billion dahil sa import bans na ipinatupad ng provincial at local governments.
“Nagpalabas na ako ng kautusan sa mga LGU ngayon na hindi kasama ‘yung processed meat, lalo na kapag may ano ‘yan, may mga FDA certifications [at] approval [I’ve issued an order telling LGUs that processed meat, especially those with FDA certifications and approval, are excluded from any ban],” ani Año sa isang panayam sa radyo. JASPER EMMANUEL Y. ARCALAS