APELA NG SOLONS: LUMANG JEEP IBALIK NA

JEEPNEY-6

KAPWA iginiit ng dalawang opisyal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangangailangang payagan nang muling makabiyahe ang mga ‘traditional’ o lumang jeep sa lalong madaling panahon.

Ayon kay House Minority Leader at Manila 6th Dist. Rep. Benny Abante, kailangang makabuo ng ‘comprehensive better normal transportation strategy’ ang gobyerno, partikular ang pagpapahintulot na makapasada na muli ang ibang public utility vehicles (PUVs), kabilang ang mga jeep.

“May multiplier effect po ang mass transportation kaya kailangan itong tutukan ng pamahalaan. It allows drivers to regain their livelihood, and it provides transportation to workers who have not been able to report for work because they had no transportation alternatives available,” sabi pa ng lider ng minority bloc sa Kamara.

Ani Abante, batid naman ng lahat na dapat ipatupad ang kaukulang ‘health protocols’ upang maging ligtas ang mga pasahero ng PUVs mula sa banta ng COVID-19 at marapat lamang na alalayan ng pamahalaan ang mga ope­rator at drayber sa kung ano ang dapat gawin ng mga ito.

Pagbibigay-diin ng House minority leader, sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, hindi akmang ipilit ang jeepney modernization program.

“Hindi po ito ang sagot sa ngayon, kasi wala na ngang pang-araw-araw ang tsuper at operator, pipilitin pa na­ting gumastos para sa modern na jeep na napakamahal,” aniya.

Sinegundahan naman ni House Committee on Metro Manila Development at Manila 1st Dist. Rep. Manny Lopez ang apela na ito ni Abante at sinabing hindi pa sapat ang bilang ng modern jeepneys lalo na para sa mga pasahero sa secondary at tertiary feeder roads.

“Modern jeepneys, though maybe due, is simply insufficient to service specially or secondary and tertiary feeder roads. Let us get our traditional jeepneys back on the roads with guidelines that make them safe for use adhering to the health guidelines for this pandemic,” wika  ng House panel chairman.         ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.