(Apela ng transport group) BAWAS-BOUNDARY SA DYIP

Efren De Luna

NANAWAGAN kahapon ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) sa mga jeepney operator at driver na magkasundo sa pagbawas sa boundary rates dahil ang public utility vehicles (PUVs) ay papayagan lamang na magsakay ng 50% ng mga pasahero nito sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

“Sa nakikita po natin, kung kalahati lang po ang ating isasakay, dapat magkaisa ang mga driver at operator na bawasan na lamang din ang binabayaran na boundary,” wika ni ACTO president Efren de Luna.

Sa operation protocols  para sa  PUVs na ipinalabas ng Department of Transportation (DOTr), ang  passenger load para sa mga  bus at jeepney ay hindi dapat lumagpas sa  50% ng kapasidad ng sasakyan upang masiguro ang physical distancing sa mga pasahero para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.

“Mga driver, lugi sa mga panuntunan sa public transportation sa GCQ areas,” ani De Luna.

Sa kabila nito, nagpapasalamat ang transport group chief na makakabiyahe na ulit ang mga dyip.

“Kung kumita man ng P200 o  P300 ay malaking bagay na po ‘yun,” aniya.

Samantala, maaari na ring makabiyahe ang mga lumang modelo ng dyip sa GCQ areas, ayon kay Transportation Usec. Artemio Tuazon Jr.

Taliwas ito sa naging pahayag ng Stop and Go Coalition na hindi papayagang makabiyahe ang mga lumang dyip at tanging ang mga modernized jeep at mga pampasaherong bus l ang  magbabalik operasyon sa ilalim ng GCQ.

Paliwanag ng  DOTr, prayoridad nila ang balik- operasyon ng modernized jeepneys dahil sa tap card system nito na makatutulong upang hindi magkaron ng closed-contact ang mga pasahero.

Gayunman, hindi nila papayagang makabiyahe ang mauusok at hindi maayos na dyip  para na rin sa kapakanan at kaligtsan ng publiko.

Comments are closed.