(Apela ni Abalos kay Quiboloy) ‘SUMUNOD SA BATAS, KASO HARAPIN SA KORTE’

NANAWAGAN si Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Benjamin Abalos Jr. kay Pastor Apollo Quiboloy na sumunod na lang sa batas at harapin sa korte ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ang panawagan ay ginawa ng kalihim sa pulong balitaan sa Camp Crame matapos pormal na i-anunsyo ang pagkakaaresto sa isa sa mga kapwa-akusado ni Quiboloy na si Pauleen Canada.

Dahil sa pagkakahuli kay Canada base sa impormasyong ibinigay ng tipster, nagpahayag ng paniniwala si Abalos na mahuhuli na rin ang iba pang pinaghahanap ng batas sa lalong madaling panahon.

Sinabi ni Abalos na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng resources para mahuli si Quiboloy at mga kapwa akusado.

Tiniyak naman ng kalihim na magiging patas ang hustisya at mas makabubuti kung susuko nalang si Quiboloy at ang iba pang kapwa-akusado sa kasong Human trafficking at Child abuse.
EVELYN GARCIA