(Apela ni Atty Rodriguez:) TIGILAN NA ANG PANGGUGULO

Vic Rodriguez

UMAPELA ang chief of staff at spokesman ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na si Atty. Vic Rodriguez sa mga petitioner ng disqualification case na tigilan na ang kanilang walang humpay na panggugulo at pagpupunla ng galit at pagkakawatak-watak na siyang lalong magpapagulo ng sitwasyon sa halip na makausad na ang bansa patungo sa pag-unlad.

Sinabi rin ni Rodriguez na dapat na nilang matutunang respetuhin ang kagustuhan ng ma­yorya na siyang bumoto para kay Marcos at kanyang runningmate na si Vice President-elect Inday Sara Duterte sa katatapos lang na national and local elections.

“I appeal to those who keep on pursuing this divisiveness, the people have spoken. The Filipino people have spoken and an overwhelming majority has voted President-elect Bongbong Marcos and Vice President-elect Inday Sara Duterte into office as President and Vice President. Learn to respect the will of the Fi­lipino people,” sabi niya.

Ayon pa sa spokesman ni Marcos, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng petisyon na isinampa sa Supreme Court upang makansela ang certificate of candidacy ng presumptive president na may hiling na maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang pagbibilang ng boto at pagpo-proklama sa kanya bilang panalo.

Gayunman, ipinunto ni Rodriguez na ang mga disqualification cases laban kay Marcos ay unanimously dismissed na ng Commission on Elections, parehong sa division at en banc level.

“We have yet to receive a copy of the petition that was filed this morning. However, I think these cases have been resolved unanimously (already) by the Commission on Elections on the division level as well as the Commission on Elections en banc. And these cases have been dismissed and the decision was unanimous,” aniya.

Nanawagan din siya sa mga petitioner na hayaang makapagtrabaho si Marcos at ang kanyang magiging administrasiyon sa halip na maglaan ng oras para sa pag-intindi sa kanilang galit.

“And I appeal to you, instead of pushing for your agenda of animosity e tulungan niyo na lang kami na pagtuunan at gamitin natin ang ating limitadong oras everday, we are all limited to 24 hours in a day, allow us to be more productive,” sabi ni Rodriguez.

Bago ang ginanap na press conference ay nagtungo sa Supreme Court ang mga petitio­ners na sina Fr. Christian Buenafe, Fides Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland Vibal, at Josephine Lascano upang hilingin sa mataas na hukuman na maglabas sila ng TRO na nagpipigil sa Senate at House of Representatives na masimulan ang pagbibilang ng boto na nakuha ni Marcos at pagpo-proklamang sa kanya bilang panalo.

Base sa tala ng Comelec transparency server nakakuha na si Marcos s 31,104,175 na boto samantalang ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte ay may 31,561,948 naman.

Mayroon ng 55,197,306 na boto mula sa 67,442,616 registered voters ang naitala sa ngayon. May kabuuang 98.35% ng election returns na rin ang napro­seso.

Noong nakaraang linggo, pinagtibay ng Comelec En Banc ang resolusyon ng Second Division na nagbasura sa petisyon na inihain ni Buenafe para kanselahin ang COC ni Marcos.

Kagaya sa naging desisyon ng iba pang disqualification cases, sinabi ng Comelec En Banc na nabigo ang mga petitioner na maghain ng mga bagong usapin o isyu na magpapatunay sa pagbaligtad sa pasya ng dating Comelec Second Division.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na sa ilalim ng Comelec rules, ang mga nanalong kandidato sa ginanap na 2022 election na may mga nakahain pang disqualification cases ay maari pa ring maiproklama kung walang magbabawal sa poll body na gawin ito at kung wala ring makakapigil para sila ay maiproklama.