(Apela ni PBBM sa Filipino community sa US) SUPORTA PARA SA ECONOMIC RECOVERY NG PINAS

NEW Jersey, USA- SA pagdating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos una nitong kinumusta ang Filipino community para pasalamatan at kilalanin ang ambag ng mga ito para makarekober ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kanyang pagharap sa Filipino community araw ng Linggo sa Amerika (Lunes sa Pilipinas) sa New Jersey Performing Arts Center, sa US, tiniyak ng Punong Ehekutibo sa US-based Filipinos na nakatutok ang pamahalaan sa kanilang kapakanan at hinahangaan ang mga pagsisikap ng mga ito hindi lang sa mga personal na pangangailangan kundi pagkilala rin sa kahusayan ng mga Pilipino.

“Even though we are far away, we are watching you, our hearts are breaking when we see what you are doing to raise and highlight the name of the Philippines around the world,” bahagi ng talumpati ni PBBM.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga kontribusyon ng overseas Filipino workers, hindi lang sa mga nakabase sa Estados Unidos kundi sa lahat ng sulok ng mundo para makatayo ang ekonomiya ng Pilipinas sa kasagsagan ng COVID-19 sa pamamagitan ng ipinadadalang salapi sa Pilipinas.

Taos-pusong nagpasalamat si PBBM sa mga overseas Filipino na nasa US lalo na’t umabot sa 40% pataas o mahigit $3.4 billion ang kabuuang remittances na naitala ng Pilipinas.

Hindi rin kinaligtaan ni PBBM ang mga medical frontliner na nagpatuloy sa kanilang tungkulin sa gitna ng panganib mismo sa kanilang buhay na mahawa sa COVID-19.

Kasabay ng pasasalamat ng Pangulong Marcos ay hiningi naman ang suporta ng Filipino community para sa turismo at investment sa Pilipinas.

“Invest and open businesses, small, large, various stores, large companies, everything is possible. That will all help. This will all contribute to create much needed jobs and build a better life for all our people.

And if you know someone who is interested to open a business in the Philippines, let our embassies or our consulates know so we can pursue and finally close the deal. As I said, every little bit counts,” paghimok ni PBBM.

Hiniling din ng Pangulong Marcos sa mga OFW sa US na payuhan ang mga kaanak ng mga ito lalo na ang mga nag-aaral pa na kumuha ng kursong may kaugnayan sa agrikultura upang mapalakas ang pagsasaka at iba pang agricultural works sa Pilipinas nang sa ganoon ay maging sapat ang supply ng pagkain at matatag ang presyo nito sa merkado.

Ang mga ginawang paghimok ni PBBM sa mga kababayang Pinoy ay bahagi ng kanyang kampanya para sa pagbangon ng ekonomiya, sapat na pagkain at paglakas ng agrikulutura. EVELYN QUIROZ