APELA NI SEC. ABALOS SA BOLUNTARYONG PAGBIBITIW NG MGA OPISYAL SA PNP PARA SA PANGKALAHATANG KAPAKANAN

NOONG nakaraang linggo, isa sa pinakamalaking balita na lumabas ay ang pag-anunsiyo ni DILG Sec. Benhur Abalos sa paghiling sa mga colonel at heneral ng PNP na boluntaryong pagbibitiw sa kanilang posisyon. Ito ay bilang tugon sa isyu ng kampanya ng ating pamahalaan laban sa iligal na droga.

Ito ay nag-ugat umano sa isang malaking pagsakote sa iligal na droga noong buwan ng Oktubre 2022 kung saan mahigit 990 kilo ng shabu ang nasabat ng PNP sa isang pulis na may ranggong sarhento na may-ari ng isang pautangan sa Sta. Ana, Manila. Ang nakadagdag pansin sa nasabing imbestigasyon ay may dalawang pulis sarhento ang sumubok magpuslit ng mahigit 42 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P285.6 million sa nasabing bilyong halaga na nakumpiskang shabu. Ang mga natukoy na pulis ay mga miyembro ng Drug Enforcement Group ng PNP (PDEG).

Kaya naman sa pag-uusap nina Sec. Abalos at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., napagpasyahan nila na linisin ang hanay ng kapulisan sa pamamagitan ng pag-apela sa mga senior officials ng PNP na maghain ng ‘courtesy resignation’ at pag-aaralan ng isang 5-member committee ang mga nagsumite ng pagbibitiw kung karapat-dapat silang magpatuloy sa kanilang serbisyo sa PNP o kaya naman ay tanggapin ang nasabing pagbibitiw sa serbisyo.

Marami ang sumasang-ayon sa nasabing anunsiyo ni Sec. Abalos at may mga ilang nagbigay ng negatibong reaksiyon sa nasabing hakbang.

Sa aking pananaw, malinaw ang diwa ng nasabing hakbang. Kung wala kang kasalanan, wala kang dapat ipag-alala o ikatakot. Malinaw ang pahayag nina Abalos at Azurin sa lahat ng mga interbyu nila sa media. Ito ay boluntaryo lamang. Ang diwa nito ay upang malinis ang masamang imahe ng institusyon ng PNP na may mga mga ilan sa kanilang hanay ay sangkot umano sa iligal na droga.

Si PNP chief Azurin, kasama ang kanyang mga senior officials ay isa sa mga unang nagsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’ bilang ehemplo na dapat pamarisan ng mga iba pang opisyal ng PNP mula colonel at heneral.

May ibang mga bumabatikos sa nasabing hakbang. Sabi nila ay maaaring makaapekto ito sa mga indibidwal na opisyal sa kanilang benepisyo dulot ng mahabang serbisyo nila sa PNP.

Teka, teka. Ano ba ang motto sa pagtataguyod ng PNP? Hindi ba “TO SERVE AND PROTECT”? Ang PNP ay tagapagpatupad ng ating batas upang mahinto ang lahat ng uri ng mga krimen at panatilihin ang kapayapaan sa ating lipunan.

Baka nakakalimutan din ng mga hindi sang- ayon sa nasabing hakbang ni Abalos ang tinatawag na ‘general welfare clause’ o pangkalahatang kapakanan. Nangingibabaw ang kaayusang pamayanan at ng pangkalahatang kagalingan sa isang demokratikong lipunan. Kasama dito ay ang kapakanan upang ipagtanggol ng kapulisan ang buhay, kalayaan at ari-arian ng ating mga mamamayang Pilipino upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.

Kaya naman para sa mga opisyal na may alinlangan sa hiling nina Abalos at Azurin, basahin ninyo muli ang ‘general welfare clause’. Mangingibabaw ang kapakanan ng nakararami kaysa sa personal na interes ng isang indibidwal.