APELA NI TEVES VS EXTRADITION IBINASURA NG TIMOR-LESTE

IBINASURA ng Timor-Leste ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. upang baliktarin ang paggawad ng  extradition ng politiko, base sa Department of Justice nitong Miyerkules.

“We wish to inform the public that this motion has been denied,” pahayag ng DOJ.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pagbasura sa mosyon ni Teves ay “a significant step forward.”

“This decision underscores that justice proceeds irrespective of an individual’s status,” dagdag ng opisyal.

Matatandaang naunang iginawad ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang hiling ng Pilipinas na extradition ni Teves noong Hunyo.

Hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye ang DOJ hinggil sa desisyon.

Nahaharap si Teves at iba pa sa murder charges kaugnay ng pagpatay noong 2023 kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Nasa kustodiya ng Timor Leste police ang pinatalsik na mambabatas mula noong Marso kasunod ng pagkakaaresto sa kanya base sa International Criminal Police Organization (Interpol) red notice na ipinalabas laban sa kanya noong Pebrero.

Bukod sa pagpaslang kay Degamo, kinasuhan din si Teves at iba pa sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.

Pinatalsik siya sa House of Representatives noong Agosto 2023 dahil sa “disorderly conduct” at patuloy na hindi pagpasok sa kabila ng napasong travel authority.

EVELYN GARCIA