PINAL na nagdesisyon ang Court of Appeals (CA) na huwag payagan na makuhanan ng deposition o out-of-court testimony si Mary Jane Veloso, ang Filipinang nahatulan ng death penalty sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Ang deposition ay gagamitin sana sa kasong inihain ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga recruiter ni Veloso na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na kapwa nahaharap sa kasong qualified trafficking in person at estafa.
Sa walong pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato Jr. at may petsang Hunyo 5, 2018, ibinasura ng CA ang motion for reconsideration na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) at pinanindigan ang nauna nitong desisyon noong Disyembre 13, 2017.
Iginiit ng CA na ang pagtatanong sa isang testigo ay dapat na gawin sa harap ng hukom sa loob ng hukuman alinsunod na rin sa itinatakda ng Konstitusyon na may karapatan ang akusado na personal na makita ang mga testigo laban sa kanya.
Maituturing umanong bahagi ng due process at mahalagang karapatan ng kalabang partido na maisalang sa cross examination ang testigo laban sa kanila.
May payo pa ang CA sa gobyerno kung paano makakatestigo si Veloso sa kaso laban sa kanyang hinihinalang recruiter.
Anila, maaari umanong hilingin ng ating gobyerno sa pamahalaan ng Indonesia na payagan si Veloso na pansamantalang bumiyahe sa Filipinas para makatestigo sa hukuman sa ating bansa.
Matatandaang si Veloso ay naaresto sa Indonesia noong Abril 2010 dahil sa pagpupuslit ng 2.6 kilo ng heroin.
Nahatulan siya ng parusang kamatayan noong Oktubre 2010, pero noong Abril 2015 ay hindi muna itinuloy ang pagbitay sa kanya dahil itinuturing ng gobyerno ng Pilipinas na siya ay mahalagang testigo sa reklamong human trafficking laban sa kanyang mga recruiter. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.