HINILING ni Senadora Cynthia Villar sa Department of Agriculture (DA) na tiyaking maibabalik ang P4 bilyong pondo para sa mga programang makatutulong sa mga magsasaka.
Ayon kay Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P5 bilyon noong Disyembre 2018 sa pag-asang maisasabatas ang Republic Act 11203 o ang batas sa P10 billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sa naturang halaga, P1 bilyon lamang aniya ang napunta sa RCEF program na nagbibigay sa mga magsasaka ng access sa murang pautang ng Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Sa pagtatalaga kay William Dar bilang bagong kalihim ng DA, umaasa si Villar na higit nitong susuportahan ang pagpapatupad ng batas at ipaprayoridad ng bagong kalihim ang pagsasauli sa P4 billion sa RCEF.
“Kahit sabihin pa nila na kaya ginastos iyon ay dahil hindi pa napapasa ang RCEF, dapat naghintay sila at hindi ginastos sa ibang bagay. I want DA to account for the remaining P4 billion and also to make sure that P4 billion will be immediately returned to RCEF,” anang senadora.
Sinabi pa ni Villar na kailangan ang naturang halaga upang masimulan ang mga programang nakasaad sa batas, na naantala dahil sa approval ng 2019 General Appropriations Act.
Pinapalitan ng RA 11203 na nilagdaan ni President Rodrigo Duterte noong February 14, 2019, ang quantitative restriction sa rice imports na may tariffs.
Ang nakolektang halaga ay ibibigay sa mga magsasaka upang mapabuti ang kanilang competitiveness sa pamamagitan ng RCEF.
“Ang ayaw nating mangyari, sasabihin nila na P5 billion na lang ang natitira for RCEF this year. Hindi po tama iyon, labag po iyon sa batas,” giit ni Villar.
Sa ilalim ng RCEF, ilalaan ang P5 bilyon sa Philippine Post harvest Development and Mechanization (PhilMech) para pambili ng farm equipment na ipamamahagi sa may 947 rice producing towns sa Filipinas.
Ani Villar, ang P3 billion ay ibibigay sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) upang turuan ang mga magsasaka na gumawa ng inbred seeds para madagdagan ang kanilang ani ng 50 percent mula sa 4 metric tons per hectare hanggang 6 MTN/ha.
Magbibigay rin ang RCEF ng P1 billion sa LBP at DBP sa pagbuo ng credit facility na may minimal na tubo at collateral requirements.
Ilalaan ang matitirang P1 billion sa PhilMech, PhilRice, Agriculture Training Institute at Technical Skills Development Authority para sa skills training ng mga magsasaka sa rice crop production, modern rice farming techniques, seed production, farm mechanization, farm machinery servicing and maintenance at knowledge and technology transfer sa mga farm school sa buong kapuluan. VICKY CERVALES
Comments are closed.