(Apela sa DICT) PANGAKONG 200 MBPS INTERNET SPEED TUPARIN

UMAASA ang mga Pilipino sa pangako ng gobyernong 200 megabits per second (Mbps) internet speed para sa mga tanggapan ng pamahalaan sa napipintong pagkakumpleto ng Phase 1 ng National Broadband Plan (NBP), ayon kay Senadora Grace Poe.

“Inaasahan nating sa Pebrero 2022, aktuwal na mararamdaman na natin ang 200 Mbps internet speed na ipinangako ng pamahalaan,” sabi ni Poe sa kanyang interpelasyon sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Tulad ng imbensiyon ng elektrisidad may isang siglo na ang nakararaan, ang broadband technology ang susi sa trabaho, pag-unlad ng ekonomiya at mas maginhawang pamumuhay habang dinaraanan natin ang pandemya,” aniya.

Sinabi ni Poe na patuloy na susuportahan ng Senado ang pagkumpleto sa NBP na nakatutok sa pagresolba sa matagal nang inaasahang pag-angat ng kalidad ng internet connection sa bansa.

Sa kanyang interpelasyon kay Sen. Ronald dela Rosa, ang plenary sponsor sa panukalang pondo ng DICT para sa 2022, nabatid na ang Phase 1 ng programa ay inaasahang gugulong sa Pebrero sa susunod na taon.

Palalakasin nito ang internet speed sa mga tanggapan ng pamahalaan tungo sa 200 Mbps sa National Capital Region, Region 1, Region 3 at mga bahagi ng Region 2.

Ang kasalukuyang average fixed broadband download speed ay nasa 70 Mbps at 33 Mbps naman para sa mobile downloads.

“Kinikilala natin ang pagsisikap ng ahensiya at tingin ko, pinag-iibayo na rin ng mga telco ang pagpapaigting ng dapat nilang gawin lalo na’t alam nilang marami ngayon ang nagtatrabaho sa kani-kanilang mga tahanan,” ayon kay Poe.

Isinusulong din ni Poe ang probisyon para sa libreng Wi-Fi connections sa State Universities and Colleges (SUCs) para matugunan ang pangangailangan sa koneksiyon ng mga estudyante at guro.

Ayon sa DICT, aabot na sa 1,832 ang live sites sa SUCs at Technical Education and Skills Development Authority institutions, habang nasa 9,586 ang live sites sa mga pampublikong lugar.

Mayroon na ring 2,989 sites sa mga pampublikong ospital, medical centers, rural health units, quarantine facilities at vaccination centers.

Si Poe ang may-akda ng Republic Act 11311 o ang Better Terminals law, na nagtataguyod ng libreng internet services at malinis na pasilidad para sa mga pasahero sa mga transportation terminal.

Inaprubahan ng Department of Budget and Management ang P6.47-bilyong pondo ng DICT para sa 2022. Pinadagdagan pa ito ng Senado sa kanilang bersiyon ng appropriations bill para umabot sa P9.5 bil­yon. LIZA SORIANO