NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na palawigin ang price freeze sa liquefied petroleum gas (LPG) at gaas na ginagamit araw-araw sa bahay lalo na’t pinaiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang apela ni Gatchalian ay bilang tugon sa pagtatapos ng 15-araw na price freeze sa LPG at kerosene sa Marso 31 na ipinatupad ng Department of Energy (DOE) makaraang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang buong bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, na walang saysay ang ipinatutupad na 15-araw na price freeze sa LPG dahil buwanan naman ang pagdedetermina ng presyo nito.
At dahil sa sitwasyon ngayon, iminungkahi ng senador sa DOE na irekomenda kay Pangulong Duterte ang pagpapalawig ng price freeze habang sumasailalim sa enchanced community quarantine ang buong Luzon kung saan nakapaloob sa DOE’s Department Circular 2016-08-0013 na ang presyo ng LPG at kerosene ay babalik na sa normal makaraan ang 15-araw na price freeze.
Nauna rito, nagdeklara ang Department of Trade and Industry (DTI) ng nationwide price freeze sa lahat ng pangunahing bilihin at pangangailangan sa loob ng 60 araw na magpapatuloy hanggang hindi ito inaalis ng Pangulo.
Sinabi rin ng DTI na ang LPG at kerosene ay kabilang sa basic goods sa ilalim ng DOE.
“The DOE should extend the prevailing price freeze until the situation has normalized to ensure that all Filipinos are protected from any price manipula-tion during the entire enhanced community quarantine period,” giit ni Gatchalian.
Batay sa report, noong Marso 2, ibinaba ng mga kompanya ng langis ang presyo ng LPG ng P3.90/kg o P42.90/11-kg cylinder at ng Auto LPG ng P2.20/liter, samantalang sa Metro Manila, ang presyo ng LPG ay nasa P612.10- P735.10 per 11-kilogram cylinder.
Kasabay nito, nanawagan si Gatchalian sa DOE at local government units (LGUs) na arestuhin ang mga negosyanteng magsasamantala at tiyaking hindi maaantala ang pagde-deliver ng energy services.
Pinaalalahanan din ng senador ang LGUs na ang fuel at petroleum products ay kasama sa Inter Agency Task Force’ guidelines on products na pinapayagang bumiyahe. VICKY CERVALES