NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo sa Department of Energy (DOE) na palakasin pa ang kanilang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) Task Group upang magkaroon ng maayos na koordinasyon ang iba’t ibang ahensiya na responsable sa pagtugon sa problema sa brownout sa mga probinsya.
Iginiit ni Tulfo ang pagkakaroon ng isang council na magko-coordinate at magmomonitor sa gawain ng bawat ahensiya upang mapabilis ang mga proseso at proyektong may kinalaman sa enerhiya.
“Ito ho bang council ay gumagana? Dahil kung pagbabatayan ang huling energy hearing, mukhang hindi ito gumagana sapagkat nagtuturuan po ‘yung mga agencies na um-attend tuwing sila po ay natatanong ko ukol sa problema sa ating enerhiya,” ani Tulfo.
“Mas mapapabilis din po siguro ang proseso at pag-uusap kung nagkikita kayo face-to-face kaysa virtual lamang. Mas madali at mas maraming mareresolbang problema kung magkakaroon ng face-to- face meetings,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Tulfo na maraming problema na may kinalaman sa enerhiya ang mabilis sanang natugunan kung nagkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno.
Isa, aniya, rito ang hindi pa nababayarang subsidiya mula sa National Power Corporation (Napocor) para sana sa mga power producers, na isang banta para lumala ang brownout sa mga probinsya, kabilang na ang Palawan at Occidental Mindoro.
Dahil dito, partikular na hiniling ni Tulfo sa Napocor na ipaliwanag ang hindi nabayarang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) fees nito sa Delta P at Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P441 milyon at 500 milyon.
Kamakailan lang ay nagbanta ang Delta P at OMCPC na titigil sa kanilang operasyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at hindi pa nababayarang subsidiya ng gobyerno.
“Saan napunta ang halos isang bilyon? Ang concern ko rin talaga ay maaaring hindi lang Occidental Mindoro o Palawan ang nag-e-expect po ng bayad o receivables from you. Paano pa po sa ibang lugar? Siguro bilyon-bilyon na po ang inyong utang sa mga cooperatives,” sabi pa ng senador.
LIZA SORIANO