(Apela sa DOTr)HINAING NG TRANSPORT SECTOR SOLUSYUNAN

Senadora Grace Poe-5

IGINIIT ni Senadora Grace Poe na dapat maghain ang Department of Transportation (DOTr) ng makatotohanang solusyon sa hinaing ng mga operator at driver kaugnay sa modernization program.

Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, hindi dapat balewalain ang mga isyu na kanilang ipinahahayag at kailangang maging bukas lagi ang linya ng komunikasyon sa kanilang mga grupo.

Sinabi pa ng senadora na mismong si Transportation Secretary Jaime Bautista ang dapat makipagpulong sa sektor ng transportasyon para dinggin ang hinaing at humanap ng solusyon upang hindi na ituloy ang nakaambang welga.

Kaya panawagan ni Poe sa DOTr at LTFRB na magsumite ng report para malaman kung ano na ang narating at ano pa ang mga dapat gawin sa nasabing programa.

Binigyang-diin pa ng senadora na may tungkulin ang pamahalaan na gawing matagumpay ang modernization program para sa ligtas, maaasahan at abot-kayang transportasyon.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senadora Nancy Binay dahil sa kawalan ng konkretong programa ng gobyerno para saluhin ang madi-displace sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sinabi ni Binay na taon-taon ay lagi na lang inire-raise ang isyu ng unutilized budget ng PUV modernization ng DOTr subalit hanggang ngayon ay wala pa ring linaw kung bakit hindi nagagamit.

“Actually, since ni-launch ito noong 2017—and after six years—wala pa ring paglalagyang industriya, at walang ino-offer na alternatives na kayang mag-absorb sa mga apektadong transport worker. Yes, we need to modernize, but there should be a comprehensive and concrete programs based on a just transition principally because transport is an essential sector. Masakit tanggapin na hinayaan na lang ng gobyerno na unti-unting mawalan ng kabuhayan ang ating mga jeepney driver sa kabila ng phaseout,” diin ni Binay.

VICKY CERVALES