(Apela sa employers) CONTRACTUAL WORKERS PABALIKIN

Imee Marcos

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa mga employer na tiyaking makababalik sa kani-kanilang mga trabaho ang mga contractual worker sakaling tuluyan nang payagan ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga pribadong kompanya, kabilang na ang mga pagawaan o pabrika.

Kaugnay sa paggunita ng Araw ng Paggawa sa darating na Mayo 1, ang panawagan ay ginawa ni Marcos sa pangambang ang mga contractual worker ay hindi na pabalikin ng mga employer sa kanilang mga trabaho at gawing dahilan ang patuloy na pananalasa ng COVID-19.

“Matagal nang exploited ang mga contractual worker kaya sana naman pabalikin nila ito sa kanilang trabaho. Kawawa naman dahil wala silang mga benepisyo na nakukuha sa kanilang trabaho kahit matagal na silang namamasukan sa kompanya,” pahayag ni Marcos.

Binigyang-diin ni Marcos na sa patuloy na krisis dulot ng COVID-19, ang mga manggagawang hindi regular sa kanilang mga trabaho ang higit na naapektuhan dahil walang mga benepisyo itong nakukuha tulad ng Philhealth, SSS, Pag-ibig at insurance na maaari sana nilang matakbuhan sa panahon ng kagipitan.

Ayon pa kay Marcos, halos walang proteksiyon sa batas paggawa ang mga contractual worker at nakalulungkot dahil sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang labor organization, ang usapin ng regularisasyon ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Yan kasing end of contract o endo ay pinalaganap ng mga salbaheng negosyante kaya tuloy kahit ilang taon na silang nagtatrabaho sa kompanya, contractual worker pa rin ang kanilang status. Limang buwan lang, endo na kaagad at pababalikin na lang sila para magsimula ulit ng panibagong trabaho,” paliwanag ni Marcos.

Ang ECQ na patuloy na umiiral sa Metro Manila at ilang probinsiya ay ipatutupad hanggang May 15, samantalang ang mga lugar naman na isinailalim sa GCQ ay maaari nang magbukas ng kanilang negosyo tulad ng nasa agriculture, fishery, forestry, food manufacturing, packaging, food retail, supermarket, restaurants, hospitals, logistics, water, energy, internet, telecommunications at media.

Base sa datos ng DOLE, umaabot sa mahigit sa 2 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.  Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng apektadong manggagawa na umabot sa mahigit sa 687,634 at sumunod ang Central Luzon na may 281,278 manggagawa.

Kaugnay nito, hinikayat ni Marcos ang pamahalaan na magsilbing halimbawa sa mga pribadong kompanya na hindi magtanggal ng mga government contractual worker ngayong nasa krisis ang bansa dulot ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, ang pamahalaan ay itinuturing na may pinakamaraming bilang ng mga contractual workers na walang natatanggap na benepisyo tulad ng GSIS, Philhealth, Pag-ibig at iba pang suportang dapat na ibigay sa mga ito. VICKY CERVALES

Comments are closed.