HANGGANG maaari ay dapat ipagpatuloy ng mga employer ang work from home scheme sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine dahil mababawasan nito ang panganib ng COVID-19 transmission sa mga manggagawa, ayon kay Senadora Grace Poe.
“Ang aking apela sa mga kompanya saka ‘yung mga nasa government sector, kung hindi kailangang pumasok ng mga empleyado ninyo at puwedeng magtrabaho sa kani-kanilang mga tahanan, huwag nang papasukin,” ani Poe
Matapos ang Senate hearing sa mga paghahanda ng transport sector noong Lunes, sinabi ng senadora na hindi niya magagarantiyahan na 100% na itong handa na magbalik sa operasyon sa sandaling alisin ang enhanced community quarantine, lalo na sa Metro Manila.
“Kung dati kulang na nga ang transportasyon, kung dati wala pang COVID nagkakagulo na tayo sa ruta ng transportasyon, eh ‘di lalo na ngayon hindi pa tayo sigurado kung papaano pa natin ito mapapatakbo nang maayos,” ani Poe.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa dalawang milyong commuters ang inaasahang gagamit ng public transportation kapag isinailalim na ang Metro Manila sa general community quarantine.
Mababawasan ang nasabing bilang kapag nagpatuloy ang work from home scheme.
Comments are closed.