(Apela sa gobyerno) PAG-AANGKAT NG SIBUYAS ITIGIL

UMAAPELA  ang mga magsasaka ng sibuyas na itigil muna ng pamahalaan ang pag-angkat at pagbebenta ng mga imported na sibuyas sa susunod na mga buwan.

Ito ay para hindi magkaroon ng kakompitensiya ang lokal na magsisibuyas dahil lubha anila silang naapektuhan ng pag-import ng bansa ng sibuyas noong Enero kung saan mas murang naibenta ang mga ito kumpara sa kanilang mga lokal na ani.

Nitong Martes ay dumating sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) ang nasa 100 kilo ng sibuyas mula sa Bongabon, Nueva Ecija na ibebenta sa Kadiwa store.

Dadalhin sa Diocese ng Novaliches ang mga aning sibuyas para ibenta sa mga parokyano nito.

Nakipagtulungan ang iba’t ibang parokya sa Quezon City sa Agriculture Department para madaling maihatid sa simbahan ang mga aning sibuyas, bigas at kamatis na manggagaling mula na mismo sa mga lokal na magsasaka.

Nagsimula ang inisyatibong ito noong Enero nang magkaroon ng krisis sa sibuyas.

Ayon kay DA Assistant Secretary James Layug, layon nitong ma-bypass ang problema sa transportasyon at traders ng mga magsasaka.

Direkta aniyang maihahatid ang mga ani kaya mababa na lamang ang presyo nito.

Sinabi pa nito na malaking bagay ang partnership ng DA at ng Diocese ng Novaliches para maibenta sa tamang halaga ang mga ani ng mga magsasaka at inaasahang tataas ang kita ng mga ito.