KINUWESTIYON ni Senadora Grace Poe ang kawalan ng pondo para sa mga pedestrian infrastructure sa ilalim ng panukalang budget para sa 2021.
“Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, halos 35 porsiyento ng mga destinasyon ay kayang lakarin sa loob lang ng 15 minuto. Pero dahil wala tayong maayos na bangketa para lakaran ng publiko, napipilitan tuloy ang mga Filipino na mag-commute o gumamit ng sarili nilang sasakyan,” ani Poe.
Sa nakaraang pagdinig ng Senate committee on public services, binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) na madaling itayo ang isang network ng elevated walkways kung saan ay hindi aabutin ng dalawang taon ang konstruksiyon nito.
“DOTr mismo ang nagsabi na madali lang itayo ang mga elevated walkway. Pero hindi naman pinopondohan. Kahit isang sentimo sa panukalang P1.10 trilyon na budget para sa mga imprastraktura sa susunod na taon ay walang nakalaan para sa walkway,” anang senadora.
Binanggit ni Poe ang P8.51 bilyong EDSA Greenways project na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board noong Enero 2020 at nananatiling nasa listahan ng mga pangunahing proyekto.
Layunin ng proyekto na iangat pa ang mga pasilidad para sa publiko sa paligid ng mga rail station sa EDSA. Nahahanay rin ito sa National Transport Policy na inaprubahan ng NEDA noong 2017.
“Ang daan tungo sa kapakanan ng mga komyuter ay maaaring puno ng magagandang intensiyon pero nais nating makitang binibigyan sila ng prayoridad sa pamamagitan ng paglalaan ng budget para sa imprastraktura,” diin ni Poe.
Ang senadora ang siya ring may akda ng Senate Bill No. 930 o ang panukalang Sustainable Elevated Walkways Act. VICKY CERVALES
Comments are closed.