(Apela sa gobyerno) PRESYO NG TINAPAY, NOODLES PATATAGIN

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na humanap ng bagong supplier ng wheat o trigo at gumamit ng ibang sangkap sa paggawa ng harina bukod sa trigo.

Ito’y para maiwasan ang biglang pagsirit ng presyo ng tinapay at noodles na pangunahing pagkain ng mga nagtitipid na Pinoy.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang presyo ng tinapay at noodles ay mahahatak ng pabago-bago o ‘di masigurong presyo ng trigo dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at ng Ukraine na mga pangunahing tagasuplay ng trigo sa mundo.

“Dahil umaasa sa angkat na trigo ang ating mga kababayang flour miller, tiyak na tataas din ang kanilang gastusin sa produksiyon ng harina na tiyak namang ipapasa rin sa mga gumagawa ng tinapay at mga mamimili,” paliwanag ni Marcos.

“Ang U.S. ang ating pangunahing tiga-supply ng trigo. Pero dahil sa mga pataw na parusa ng iba’t ibang Western nations sa Russia, maaaring mapatid ang suplay ng trigo na magiging dahilan ng pagsirit ng presyo nito sa merkado, lalo na kapag bumuwelta o gumanti ang Russia,” dagdag pa ni Marcos.

Ang Pilipinas ay isa sa 10 pangunahing bansa na umaangkat ng trigo sa Ukraine, kung saan natengga ang pagtatanim at pagbabarko ng produkto dahil sa gyera.

“Dagdag pa dito ang mataas na presyo ng LPG (liquefied petroleum gas), kaya asahan na rin natin na magmamahal na naman ang presyo ng pandesal sa mga panaderya, at posibleng mawala na ang pamerye-meryenda,” ani Marcos.

Sumipa ang presyo ng trigo ng mas mataas sa 73% nitong Biyernes sa presyong $13.50 kada bushel mula sa dating $7.80 sa pagsisimula ng taon, at halos 43% mula sa pagsipa nito sa $9.47 noong Pebrero 24 nang umatake ang Russia sa Ukraine.

Ayon kay Marcos, may alternatibong pagkukunan ng trigo ang Pilipinas na mas malapit lang o sa China, makaraang alisin nito ang restriksiyon sa mga ini-export ng Russia.

“Makipagkasundo tayo sa China sa mas magandang presyuhan ng trigo, habang patuloy ang maaasahang pag-angkat ng supply mula US at Australia,” dagdag ni Marcos.

Daing pa ni Marcos, hanggang ngayon ay hindi pa rin binibigyang-pansin ang potensiyal ng mga non-wheat flour o harinang ‘di gawa sa trigo para sa paggawa ng tinapay, kahit pa ginawa na ito sa Nutribun na halos kalahating siglo na ang nakararaan.

“Bakit nag-i-import pa rin tayo ng mga non-wheat flour mula sa Thailand at Vietnam kung pwede naman tayong magtanim at mag-ani ng sarili nating bigas, mais, kamote, patatas at munggo sa kapareho ring klima?” tanong ni Marcos.

“Muli nating tuklasin at bigyang-pansin ang non-wheat flour bilang solusyon hindi lang sa tumataas na presyo ng regular na harina kundi para rin sa kagutuman at malnutrisyon. Puwede pang payamanin sa protina mula sa mani at malunggay,” dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES