UMAPELA si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na maglaan ng karagdagang suporta para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at sa kanilang mga manggagawa, gayundin sa mga middle class na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Binigyang-diin ni Go na puwersado ang mga MSME na pansamantalang magsara dahil na rin sa ipinatutupad na extended enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
“Malaking parte ng bumubuhay sa ating ekonomiya ay ang MSMEs. Tulungan natin silang buhayin ang kanilang negosyo at maiahon ang kanilang mga empleyado habang nasa panahon ng krisis ang buong bansa,” anang senador.
Sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) umaabot sa 998,342 ang negosyong nasa ilalim ng MSMEs kung saan 99.52% kabuuang bilang nito ang nag-ooperate sa bansa.
Batid ni Go ang pinagdaraanan ng mga maliliit na negosyante upang mapanatiling nag-ooperate ang kanilang negosyo.
“Mahirap kumita ngayon. Maraming napilitang magsara kaya hindi nila matustusan ang mga suweldo ng kanilang mga empleyado,” aniya.
Bilang miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee para sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act, tinukoy ni Go ang ginagawang pagsisi-kap ng MSMEs kung saan ay ginamit na rin ng mga ito ang ‘online business transactions’ upang masiguro na available ang mga pangunahing pangangailangan, partikular sa mga pagkain sa mga pamilihan bukod pa sa natutulungan ng mga ito ang kanilang mga empleyado sa panahong ito.
“Marami pong negosyo na nag-adopt ng skeletal workforce at nag-implement ng tamang social distancing measures para patuloy na makapagserbisyo. Bagamat nananatiling bukas ang iba, hindi pa rin ito sapat para maalagaan lahat ng empleyado. Lugi na ang negosyo, kawawa pa ang empleyadong walang suweldo,” paliwanag ng senador.
Inihayag din ni Go na sa pakikipagpulong niya kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi nito na naghahanda ang pamahalaan ng subsidy program para sa MSMEs at mga manggagawa nito.
“Ang prayoridad natin ngayon ay mabigyan ng ayuda ang pinakamahihirap. Kung mayroon mang hindi maisama sa 18M families para sa emergency cash subsidy, mayroon ding ibang mga programa ang gobyerno na makatutulong sa iba pang mga apektadong mamamayan,”giit ng senador.
Gayunpaman, hiling ng senador sa DOF at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na huwag pabayaan ang iba pang mga apektadong Filipino.
At upang hindi magdoble ang pagbibigay ng tulong, iginiit ni Go na ang subsidy programa para sa MSME employees ay magkaiba sa 18 milyong pamilyang tinutulungan sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nilinaw naman ng DOF na ipatutupad lang ang naturang subsidiya kapag natapos na ng DOLE ang assistance program o ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga apektadong kawani sa formal sector na pinagkakalooban ng P5,000 one-time financial assistance at employment facilitation services.
Kukunin ng DOF ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng subsidy program sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Social Security System (SSS) ang magkakaloob ng naturang tulong na aabot sa P5,000 hanggang P8,000 depende sa rehiyon.
Samantala, para sa mga middle class, ipatutupad ng DOF ang moratorium sa loan amortization, interest at penalties, at ang pag-exempt sa documentary stamp tax.
“Importante ang ‘palugit’ na ito para mapagaan ang pinapasan ng taumbayan. Kung gusto nating mas mabilis manumbalik ang sigla ng ating ekonomiya, mas mainam na ngayon pa lang ay tulungan na natin ang maliliit na negosyante na makabangon,” diin ni Go. VICKY CERVALES