INUDYUKAN ng isang ranking House official ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at maging ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag nang magpatumpik-tumpik pa sa agarang pagpapatigil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na mapatutunayang nandaraya o kaya’y talagang ayaw magbayad ng buwis.
Ginawa ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panawagan matapos ang pagsisiwalat ng BIR na karamihan sa 60 licensed POGOs ay nabigong magbayad ng buwis, na tinatayang aabot sa P50 bilyon.
“The recent disclosure of a top BIR official that majority of the 60 licensed POGOs failed to pay an estimated P50 billion in withholding income and franchise tax in 2019 is a serious government concern that must be acted upon immediately,” giit ng kongresista.
Magugunita na sa pagharap ni Atty. Sixto Dy Jr. ng BIR Office of the Deputy Commission for Operations sa Senate hearing kamakailan ay sinabi nitong ang lahat ng foreign-based POGO licensees ay hindi nagbayad ng kanilang franchise tax noong nakaraang taon, na tinatayang nasa P17 hanggang P18 bilyon ang halaga.
Dagdag pa niya, mayroon lamang kabuuang P5 bilyon ang nakolekta nila noong nakaraang taon sa POGOs.
“The government allowed POGOs to operate here because of the projected revenues they would provide and help our economy. But if the Philippine government would be shortchanged on this, then it is time to shut down their operations and send them home,” ang tugon ni Barbers sa ulat ng BIR.
Una nang sinabi ni Pagcor Chairperson Andrea Domingo na ang POGO industry ay makapagbibigay ng P20 bilyon kada taon na lease payments sa local real estate sector at tinatayang nasa P20 bilyon annual income taxes naman ang makokolekta ng pamahalaan bukod pa sa P1.25 bilyon na value-added tax kada buwan sa pagbili ng POGO foreign workers ng P12.5 bilyong local products at services. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.