APELA SA GOBYERNO: TULONG SA PRIVATE SCHOOL TEACHERS

France Castro

KINALAMPAG  ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para bigyan ng tulong ang mga guro sa pribadong sektor.

Ayon kay Castro, nakatanggap  siya ng mga reklamo na walang ayuda na inilaan ang pamahalaan para sa mga private school teacher sa gitna ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine.

Giit ng lady solon, maraming mga pribadong guro ang contractual at ‘no work, no pay’ na dapat ay mapasama sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Castro na hindi kasama sa SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga public at private school teacher at marami rin sa mga private school ang hindi nakaabot sa deadline ng DOLE para sa P5,000 one-time assistance sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

Hindi rin, aniya, kinokonsidera na bahagi ng MSMEs ang mga pribadong paaralan kaya hindi rin ito maka-avail ng amelioration program.

Giit ni Castro, hindi naman ligtas sa epekto ng COVID-19 ang mga pribadong guro kaya umaapela siya sa pamahalaan na mabigyan din ng financial assistance ang mga ito ngayong nasa ika-anim na linggo  na ng lockdown. CONDE BATAC

Comments are closed.