(Apela sa gobyerno)KAGAMITAN SA PAGKONTROL SA OIL SPILL BUHUSAN NG PONDO

MAS mabilis umanong makareresponde at maiiwasan ang pagkakaroon ng mas malawak na pinsala dulot ng oil spill kung ang pamahalaan ay mayroon mismong sapat na bilang at kinakailangang mga kagamitan kapag may naganap na nasabing uri ng maritime disaster.

Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee, nakalulungkot na mismong ang Philippine Coast Guard (PCG) ay aminado na kulang ang kanilang kagamitan para agarang makontrol ang pagkalat sa karagatan ng industrial fuel oil na karga ng lumubog sa MT Princess Empress.

Mabuti na lamang, ani Lee, na ang Japan government ay nagpadala ng isang 8-man team upang tumulong sa isinasagawang oil spill containment operations kung saan nangako rin ito na magbibigay ng mga kagamitan tulad ng oil blotter, oil snares at oil-proof working gloves upang tulungan ang paglilinis ng mga apektadong baybaying barangay. Habang ang United States at South Korea ay nagpaabot din ng kahandaang tumulong.

Paggigiit ni Lee, hindi maaaring palagian na lamang umaasa ang Pilipinas sa tulong mula sa international community at binigyan-diin niya na dapat na magkaroon ang bansa ng mga kinakailangang kagamitan upang harapin kapwa ang natural at man-made calamities.

“Mas mabilis tayong makakapagresponde sa ganitong sakuna kung mayroon tayong sapat na kagamitan. Dahil sa kakulangan natin, patuloy na nasisira ang mahalagang likas-yaman, at nawawalan ng kabuhayan ang mga kababayan nating nakaasa rito, lalo na ang mga mangingisda,” pahayag pa ng mambabatas.

Bunsod nito, umapela si Lee na buhusan ng sapat na pondo ang pagbili ng mga kagamitan para sa maritime disaster response kasama na rin ang pagkuha ng sapat na dami ng mga tauhan o personnel.

“The disaster caused by the MT Princess Empress oil spill has exposed how ill-equipped we are in responding to threats to our aquatic resources due to oil spills. Kaya hihingin po natin na magbigay ng mas malaking pondo para sa oil spill containment equipment sa susunod na budget hearing,” anang AGRI party-list lawmaker.

ROMER R. BUTUYAN