(Apela sa IC)NON-LIFE INSURANCE PREMIUM RATE HIKE IPAGPALIBAN

NANAWAGAN si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee sa pamunuan ng Insurance Commission (IC) na isantabi muna ang ipinalabas nitong Circular Letter No. 2022-34, na nagtataas sa minimum rate ng catastrophe (typhoon, flood, earthquake, at iba pa) insurance premium.

Pangamba ni Lee, ang napipintong pagtataas na ito sa minimum rate ng nabanggit na insurance coverage ay magreresulta sa pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, na panibagong bigat sa pasanin sa pang- araw-araw na gastusin ng sambayanang Pilipino.

“Taking into consideration that we are still just recovering from the effects of the COVID-19 pandemic, it is incumbent upon the government to respond to their critical needs as we slowly get back on our feet. We must not add to the burdens of the public, especially the marginalized sectors,” pahayag pa ng kongresista.

Ayon kay Lee, lumalabas sa pakikipagkonsultasyon niya na doble o hanggang quadruple ang puwedeng itaas sa mga binabayarang insurance tulad sa bahay, housing loans sa Pag-IBIG, sa GSIS, post-harvest facilities, agri machineries, fishing boats, dryers, mga storage, at pati ang Philippine Crop Insurance Corporation (non-crop insurance) ay apektado.

“Paano makakabawi sa kabuhayan ang marami nating kababayan sa ganitong mga dagdag na pasanin? Paano uunlad ang ating mga magsasaka at mangingisda, kung imbes na dagdag na ayuda, ay dagdag gastos ang naghihintay sa kanila sa susunod na taon? Kapag lalo silang nalugi, madedehado rin ang isinusulong nating food security. Huwag na po nating pagdusahin lalo ang publiko sa panibagong pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ang apela pa ng mambabatas.

Kaugnay nito, inihain ni Lee ang House Resolution No. 632 na humihiling sa liderato ng Kamara na atasan ang kaukulang komite nito na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa nasabing kautusan ng IC.

“The high cost of catastrophe insurance premiums will certainly impact the unabated and record-high inflation and can contribute to the further increase in prices of basic commodities, taking into account the wide scope of catastrophe insurance that covers buildings, warehouses, equipment, and residential properties.” nakasaad pa sa HR 632.

“May domino effect po ang pagtaas na ito. Apektado dito ang manufacturing sector, at damay ang distribution, retail, pati na ang agrikultura,” pagbibigay-diin ni Lee.

ROMER R. BUTUYAN