(Apela sa LGUs) TULONG SA TRIKE DRIVERS IBIGAY NA

grace poe

NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa mga lokal na pamahalaan na huwag nang patagalin pa ang pagpapalabas ng emergency subsidy para sa mga apektadong tricycle driver dulot na rin ng pinalawig na enhanced community quarantine (ECQ).

“’Wag na natin pa silang paghintayin. Ang matiyaga nilang paghahatid sa atin noon kahit sa mga liblib na sulok ay suklian naman natin ngayon ng paghahatid sa kanila ng karampatang ayuda,” ani Poe, chairman ng Senate committee on public services.

Ang pahayag ni Poe ay bunsod na rin ng panawagan ng may 2.9 milyong miyembro ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) na pagkalooban din sila ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Hindi pa naibibigay nang buo ang unang bugso ng ayuda, samantalang na-extend na uli ang quarantine,” ayon kay NACTODAP National President Ariel Lim.

Aniya, sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act or Republic Act (RA) 11469, kabilang ang tricycle drivers at operators sa informal economy workers na kinokonsiderang prayoridad na tulungan ng gobyerno.

Bukod sa 4Ps, may ayuda rin mula sa local government units’ (LGUs) at Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) alinsunod sa RA 11469 para sa mga informal economy worker.

“They have spared us from having to walk long distances to our homes even in harsh conditions. They do not deserve to wait in line for a day more to get aid,” giit ni Poe.

Ayon kay Poe, nakapaloob sa Joint Congressional Oversight Committee sa ilalim ng “Assistance to Individuals in Crisis Program” na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may  P73.8 bilyong nakalaan para sa non-4Ps  ang  ibinigay na sa LGUs at ipamamahagi ang subsidiya sa loob ng 7 hanggang 10 araw kasunod ang liquidation report sa loob naman ng 15-araw.

At ang isa pang ayuda ay mula naman sa TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan may 178,549 benepisyaryo ang napagkalooban.

Gayundin, nanawagan si Poe para sa fuel subsidy at livelihood assistance para sa tricycle drivers na sakop ng general community quarantine.

“Mas kaunti ang kikitain nila sa pamamasada dahil limitado rin  ang pwede nilang isakay, kaya kailangan pa rin nila ng ayuda,” dagdag ng senadora. VICKY CERVALES

Comments are closed.