NANAWAGAN ang isang transport advocacy group sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na taasan ang supply cap para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) units para makatulong sa pagpapabuti ng public transportation.
Ayon kay The Passenger Forum convener Primo Morillo, “allowing more TNVS units will make this mobility option more affordable as the pricing for this service is dynamic.”
Aniya, mapipigilan nito ang price surges dahil sa mataas na demand at mababang supply.
Sa mas mababang rates sa pag-book ng TNVS units, sinabi ni Morillo na makatutulong ang pagtataas sa TNVS cap para mapagbuti ang transport situation.
“Less price surges and lower rates could convince car owners to book TNVS services instead of using their own cars. Commuters who can afford lower TNVS rates may also choose this option and could effectively lessen the demand for mass transport,” aniya.
Itinakda ng LTFRB ang supply cap na 65,000 units para sa TNVS.
Noong Abril ay binuksan ng ahensiya ang aplikasyon para sa 7,870 units ng TNVS para madagdagan ang public transportation.