(Apela sa Marcos admin)BAKANTENG POSISYON SA GOV’T PUNAN NA

Joel Villanueva

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa administrasyong Marcos na tapusin na ang problema sa hindi napupunuang permanenteng posisyon sa mga opisina at ahensiya ng gobyerno.

Ginawa ni Villanueva ang panawagan sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee para sa 2023 National Expenditure Program sa gitna, aniya, ng hindi matapos-tapos na isyu ng bakanteng posisyon taon-taon mula pa noong 2017.

“We’ve said time and again that the government, as the country’s biggest employer, also has the biggest problem filling up these permanent positions. Ang mas nakakalungkot pa po rito ay nangyayari pa rin ang problemang ito kahit maraming Pilipino ang walang trabaho at may mga panukala pa na magbawas ng tauhan sa burukrasya,” anang senador.

“Para na po tayong sirang plaka. Taon-taon na po natin itong sinasabi pero maliit pa lang po ang nakikita nating pag-usad upang lutasin ang problemang ito. We have to do better for the sake of our workers and our bureaucracy,” pagbibigay-diin niya.

Iginiit ng senador na 10 porsiyento o 170,668 na authorized government positions ang hindi pa napupunuan ng pamahalaan, base sa impormasyon mula sa Financial Year 2023 Staffing Summary ng Department of Budget and Management.

Sinabi rin ni Villanueva na kailangang linawin ng pamahalaan ang dami ng mga posisyon na ito datapwa’t may 642,077 na government workers na nagtatrabaho sa ilalim ng Job Order o Contract of Service, ayon sa datos ng Civil Service Commission noong Hunyo 30.

“Ang hirap po na ang gobyerno mismo natin ang number one na violator ng garantiya ng Konstitusyon para sa security of tenure, samantalang hindi nito napupuno ang mga vacancy ng mga permanenteng posisyon sa mga opisina nito,” ani Villanueva.

Si Villanueva ang may-akda ng Senate Bill No. 131 o ang “Civil Service Security of Tenure Act” na nagkakaloob ng security of tenure para sa mga kaswal at kontraktwal na empleyado ng gobyerno na bukod-tangi at huwaran sa kanilang paninilbihan. Siya rin ang may-akda ng Senate Bill No. 568 na “Skills Certificate Equivalency Program Act” na nagbibigay ng civil service eligibility sa mga certified technical-vocational graduates na may National Certificates mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

“Paulit-ulit na po tayong humihingi ng paliwanag kung bakit nabibigo itong punuan ang mga permanenteng posisyon habang libo-libo naman sa mga empleyado nito ay walang regular na kontrata. Hindi po ito katanggap-tanggap lalo na’t inamin pa ng pamahalaan na dadami pa ang Pilipinong walang trabaho dahil sa patuloy na paglaki ng ating labor force,” ayon pa kay Villanueva.

VICKY CERVALES