UMAPELA ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sa lahat ng residente ng siyudad na ayusin ang pagtatapon ng basura at tulungan ang city government sa kampanya nito na mapanatiling malinis ang lungsod at maiwasan ang pagbaha kahit responsibilidad ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Panawagan ito ni Mayor Honey Lacuna dahil sa hindi pa tapos ang tag-ulan hanggang sa katapusan ng taon kung kaya’t ang walang pakundangang pagtatapon ng mga basura ay lumilikha ng pagbara sa mga daluyan ng tubig at nagreresulta ng pagbaha.
Labis na nalulungkot ang alkalde sa dahilang ang mga kawani ng department of public services (DPS) ay gumugugol ng sobrang oras sa paglilinis ng mga basurang itinapon sa maling lugar.
Sa puntong ito ay pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente sa umiiral na ordinansa at programang ‘tapat ko, linis ko’ ng lokal na pamahalaan na nag-oobliga sa bawat tahanan na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at lalo na ng kanilang harapan.
Pinaalala din ni Lacuna ang kahalagahan ng malinis na kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng maruming paligid kabilang na ang mga hindi umaagos na tubig na nagiging itlugan ng mga lamok.
Matatandaan na upang mapaigting ang kampanya sa kalinisan ay naglabas ang alkalde ng Executive Order No. 6, nagtatakda na tuwing Biyernes at ‘cleanup day’ sa loob at labas ng City Hall, barangays at mga residential areas.
Binigyang diin din ng alkalde ang kahalahan ng kalinisan ng kapaligiran dahil nag-aanyaya ito ng mga turista at investors na nangangahulugan ng progreso sa lungsod at sa mga naninirahan dito.
Samantala, pinaalalahanan ni Lacuna ang mga residente tungkol sa implementasyon ng waste segregation system at scheduling ng garbage collection sa lungsod kung saan ang tagumpay nito ay nakasalalay sa buong pakikipagtulungan at suporta ng mga residente.
VERLIN RUIZ
QC GAGAMIT NG ‘BIODIGESTERS’
ISINUSULONG ng lokal na pamahalaan ang pagbabawas ng basura sa pamamagitan ng United Nations Development Programme (UNDP).
Ito ay bahagi ng suporta ng Japan sa Pilipinas partikular sa mga komunidad sa lungsod.
Magugunitang nakatanggap ng 25 biodigesters at food waste-on-wheels mula sa UNDP para sa mabilis na pagsira sa basura.
Tinanggap ng QC ang mga kagamitan mula kay First Secretary and Agriculture Attaché ng Embahada ng Japan sa Pilipinas na si Jumpei Tachikawa at UNDP Resident Representative sa Pilipinas Selva Ramachandran.
Gamit ang modernong kagamitan, maiiwasan na makasira ang mga basurang gaya ng balat ng gulay at mga sira o nabubulok na pagkain sa bawat kusina.
Ang biogas ay maaaring gamitin para sa pagluluto, habang ang likidong by-product ay maaaring gamitin bilang soil conditioner para sa paghahalaman.
Ang 25 biodigesters ay ipamamahagi sa mga barangay, kabilang ang Bagong Pag-asa, Sto. Cristo, San Antonio, Talayan, Batasan Hills, Payatas, E. Rodriguez, Mangga, Escopa III, Marilag, St. Ignatius, Libis, East Kamias, Loyola Heights, Milagrosa, Kamuning, Pinagkaisahan, Roxas, Central, Bagbag, North Fairview, Kaligayahan, Talipapa, at Culiat.
Ang isang biodigester ay matatagpuan din sa Joy of Urban Farming Demo-farm upang iproseso ang basura ng pagkain at ipakita ang teknolohiya.
PAULA ANTOLIN