(Apela sa pamahalaan) PRICE HIKE SA TINAPAY AGAPAN

PINABUBUO ng Kamara ang pamahalaan ng “mitigating measures” o mga hakbang para makontrol ang posibleng pagtaas ng  presyo ng tinapay.

Mula nang sumiklab ang Russia-Ukraine conflict ay nadagdagan ng P0.40 ang presyo ng tinapay bunsod ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na nasa USD110 habang ang trigo naman ay tumaas ng USD100  kada tonelada.

Ang Russia at Ukraine ay kabilang sa mga bansang pinakamalaking pinagkukunan ng trigo.

Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na kapag nagtuloly-tuloy pa ang problema ay posibleng pumalo sa P2.30 ang dagdag sa presyo ng ‘Pinoy Tasty’.

Kabilang sa mga ipinalalatag na “mitigating measures” ay ang pag-secure ng bansa ng orders ng trigo mula sa mga alternatibong mapagkukunan tulad ng Canada at Estados Unidos

Sa susunod na linggo naman ay maaaring asahan ang P1.90 na taas-presyo sa kada loaf bread sa oras na maubos na ang imbak na trigo at magsimulang tumaas ang presyo ng milling imports.

Iginiit ni Salceda na nakaaapekto na nang husto sa presyo ng pagkain ang pagtaas ng presyo ng langis kung saan nakadagdag pa ang pagtaas ng wheat prices.

Hindi, aniya, malabong mauwi sa malaking problema ang kagutuman sa bansa kung hindi ito agad maaaksiyunan. CONDE BATAC