MATINDING pagkabalisa at paghihirap ang naranasan ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 kahit na sila ay nakarekober na sa nakamamatay na sakit.
Dahil dito, umapela si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa kanyang mga nasasakupan na huwag tratuhin ang mga nakarekober na pasyente nang iba o i-discriminate ang mga pinayagan na umuwi sa kanilang mga pamilya dahil nakaranas na sila ng sakit at paghihirap.
Ang apela ng alkalde ay matapos dumating ang kabuuang 88 na mga pasyenteng gumaling sa COVID-19 at pinayagan na umuwi upang makasama ang kanilang mga pamilya nitong Martes ng hapon.
“Marami na po silang pinagdaanang hirap kaya nawa ay huwag na po silang makaranas ng diskriminasyon,” ani Mayor Tiangco.
Sa kabila ng malaking bilang ng mga gumaling, ang City Health Office noong Martes ng hapon ay nagtala ng 55 kumpirmadong kaso ng COVID-19 o 16 porsyento ng 344 na indibidwal na sumailalim sa swab test habang 289 dito ang negatibo sa virus.
Kaya naman muling pinaalala ni Mayor Tiangco ang panawagan ng Department of Health (DOH) na magsuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay kasunod ng mga ulat na maraming bilang ng mga miyembro ng pamilya ang nahawaan ng sakit.
“Hindi ito normal sa atin ito pero para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay, wala namang hindi natin kayang gawin para sa kanilang kabutihan,” ang pahayag ng alkalde. EVELYN GARCIA
Comments are closed.