MAS pinadali na ang pagpapatitulo ng mga public land makaraang magpahayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanilang tatanggapin ang aplikasyon para sa pagpapatitulo ng public alienable and disposable lands sa mga barangay sa buong bansa.
Sa ipinalabas na DENR Administrative Order (DAO) No. 2019-08 ni Environment Secretary Roy Cimatu, inaatasan nito ang lahat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (Penro) at Community Environment and Natural Resources Office (Cenro) na tumanggap ng aplikasyon sa pagpapatitulo ng lupa sa mga barangay.
“This is part of our continuing effort to simplify, streamline and fast track the disposition of public alienable and disposable lands through free and homestead patents, and we are doing this in strong partnership with local government units (LGUs),” wika ni Cimatu.
Inatasan ni Cimatu ang Land Management Bureau (LMB) ng DENR na magbigay ng patnubay at technical assistance upang matiyak na magiging maayos ang implementasyon ng DAO 2019-08 o ang “Applications of Public Land Titling at the Barangay Level.”
Ayon naman kay LMB Director Emelyne Talabis, sa pamamagitan ng naturang DAO ay mapalalapit na sa publiko ang pagpapatitulo dahil dadalhin na ito sa kanilang mga barangay.
Nakasaad sa DAO na ang mga Penro at Cenro, sa pakikipagtulungan ng LGU at mga opisyal ng barangay, ay tatanggap na ng aplikasyon para sa pagpapatitulo ng lupa na isinumite sa tanggapan ng kani-kanilang barangay.
Upang maging madaling maintindihan ng publiko ang proseso at malaman ang iba pang impormasyon sa pagpapatitulo, ang LMB ay magdidikit ng mapa ng kadastro (cadastral maps), daloy ng aplikasyon (procedures), mga streamlined requirements at halaga ng kaukulang bayarin sa isang lugar sa barangay hall na madaling makita ng lahat.
Idinagdag pa nito na tatanggap din ng on-site application sa barangay, subalit kailangan lamang na kumpleto ang mga kailangang dokumento.
Nilinaw ng LMB na sa simula ng pagpapatupad ng DAO, tatanggapin lamang sa barangay ang aplikasyon kung may kasalukuyang nagaganap na pagpapatitulo rito. Pinapayuhan din nito ang publiko na alamin ang schedule ng pagpapatitulo sa kani-kanilang mga barangay.
Bilang paghahanda sa implementasyon ng DAO, kasalukuyan nang nagsasagawa ang mga tauhan ng LMB ng “tenure appraisal” sa iba’t ibang re-hiyon upang matukoy ang mga lote na maaaring patituluhan.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng training ang LMB para sa field personnel ng DENR at mga kinatawan ng mga LGUs kung paano mapabibilis ang proseso sa aplikasyon ng public land titles. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.