APLIKASYON SA POGO TIGIL MUNA

PAGCOR

HINDI muna tatanggap ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng mga aplikasyon para sa off- shore gaming licenses hanggang hindi natutugunan ang lahat ng isyu hinggil dito.

Sa Report to the Nation forum ng National Press Club, sinabi ni Andrea Domingo, chairman and chief executive officer ng Pagcor, na tinanggihan nila ang mga bagong aplikasyon magmula noong tatlong linggo na ang nakararaan.

Ito, aniya, ay upang marepaso ang mga existing contract ng Philippine offshore gaming operations (POGO) tulad ng  employment na sa datos ng ahensiya ay umaabot na sa 130,000, gayundin ang pambansang seguridad.

Ayon kay Domingo, sa kasalukuyan ay may 58 licensed POGO operators, habang tatlong iba pang grupo ang may nakabimbing mga lisensiya.

Ipinanukala ng ilang mambabatas ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng POGO sa gitna ng mga katanungan sa legalidad nito.

Nagbabala naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana noong nakaraang linggo na ang foreign POGOs, karamihan ay nag-eempleyo ng Chinese workers,  ay maaaring mag-iba ng operasyon sa pag-eespiya. May mga kumukuwestiyon sa lokasyon ng POGOs  malapit sa military camps at maging sa Senado.

Samantala, pinawi ni Domingo ang pangamba ng publiko sa kahina-hinalang pagdagsa umano ng Chinese nationals na pumapasok sa POGO sa bansa.

Ani Domingo, hindi dapat mag-alala ang mamamayan, gayundin ang mga mambabatas sa pagdagsa ng mga Chinese dahil mahigpit naman, aniya, ang  konsulado ng bansa sa Chinese applicants bago mabigyan ng entry visa ang mga ito.

Aniya, lalong pinahigpitan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. ang pagsasagawa ng screening sa Chinese nationals na nais pumasok sa bansa.

Ipinaliwanag ni Domingo na sa ngayon ay nasa 80,000 hanggang 90,000 Chinese nationals ang nasa POGO community, karamihan ay mga bata at hindi rin isyu ang napupuna ng iilan na kanilang haircut dahil ito ang uso sa kanilang bansa.

Ipinagmalaki naman ni Domingo na hanggang ­Hulyo 2019 ay nasa P16 bilyon na ang revenue mula sa POGO, habang P32 bilyon naman ang gross revenue ng ahensiya.

Ngayon taon ay nasa P4 bilyon na ang kita mula sa 218 services providers ng POGO na, aniya, ay malaking tulong upang maisakatuparan ang mga proyekto ng pamahalaan.

Inihalimbawa niya ang rehabilitasyon ng tatlong major sports complex na kinabibilangan ng Rizal Memorial Sports Complex, Ultra at Ninoy Aquino Stadium para gamitin sa pinakaaaba­ngang Southeast Asian Games ngayong taon.

Bukod dito, may naiambag, aniya, ang POGO community sa rehabilitasyon ng Marawi City kung saan may naipatayong 200 temporary housing sa lugar.

Samantala, hinikayat ng Pagcor chief ang mga dayuhan na pasukin ang online gambling sa bansa dahil sa maayos na operasyon nito.   BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.