SA LAKI ng halaga na umano’y namaniobra na ikalulugi umano ng gobyerno ng P200 milyon, mukhang swak sa plunder itong si APO Production Unit, Inc. Chairman at President Michael Dalumpines.
P450 milyon ang kontratang ini-award umano ni Dalumpines sa isang kompanya na kuwestiyonable pa at hindi kuwalipikado, ayon sa technical working group (TWG).
Kung bakit ipinilit umanong i-award ni Dalumpines ang nasabing daan-daang milyong kontrata sa isang hindi pa pasadong kompanya ay kaduda-duda.
Dahil ba dalawang taon na lamang ang administrasyon ay nagmamadali na si Dalumpines?
Bukod diyan, halatang-halata naman yata talaga ang gawaan diyan sa APO, aba ang lingguhan lamang na board meeting ng APO ay naging maya’t maya na, sumobra yata ang sipag o para mas maka-claim ng mataas na per diem kada meeting na umaabot ng mula P20,000 hanggang P45,000 kada meeting?
Nakatatanggap din tayo ng ugong na sobrang nagagatasan ang ilang mga private printer ng sindikato ng APO.
E, ano itong nangyayari sa Lima, Batangas kung saan ang security printing ng APO ay ginagawa? Aba-aba, nagkadiretsahan na yata sa ka-joint ven-ture, rektahan na ang monthly, pambihira! Alam ba ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang ka-JV ng APO riyan sa Lima ay isang kompanyang pagmamay-ari ng mga oligarkong Ayala rin?
Ang matindi nito, habang kumikita ang mga nasa itaas ng limpak na limpak na salapi, ang may 200 namang mga empleyado nito ay anim na taon nang hindi man lamang naanggihan ng increase sa kani-kanilang sahod na karapatan naman sana ng mga empleyado.
Ang feeling tuloy rito ng karamihan ay sadyang inuubos ang budget na para sana sa mga empleyado sa kanilang kaka-board meeting. Ano ang tingin mo, Dalumpines?
Comments are closed.