NAGWAGI ang apo ng tanyag na musikong si Nicanor Abelardo sa prestihiyosong Gawad Julian Cruz Balmaseda 2020 ng KWF para sa kaniyang tesis hinggil sa kundiman sa Araw ni Balmaseda noong 28 Enero 2020.
Ang nagwagi, si Regina Starr B. Abelardo, ang nagsagawa ng pag-aaral hinggil sa kundiman sa kaniyang tesis na “Pagbaba-nyuhay ng Pag-ibig: Pagtatambal ng Panitikan at Musika sa Kundiman.”
Nagtapos si Abelardo ng kaniyang MA sa Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kasalukuyan siyang propesor sa Lyceum of the Philippines at naglilingkod bilang mananaliksik sa UP Center for Ethnomusicology.
Hinirang ng mga hurado ang kaniyang tesis para sa angking lalim at husay nitó na tumalakay sa katangian ng kundiman bilang anyong sining sa larang ng musika at panitikan.
Batay sa citation, kanilang pinagpugayan ang pagpapakita nitó na ang kundiman ay “tulad ng wikang buháy na naglalakbay sa panahon bilang pinagsasaluhang espasyo ng pagkamalikhaing pangkultura.”
Umupo bilang tagapangulo ng Lupon ng Inampalan si Dr. Clement Camosano ng UP Diliman. Kasama niya bilang mga hurado sina Dr. Jovino Miroy ng Pamantasang Ateneo de Manila at Kom. Ma. Crisanta Flores ng KWF.
“Ang wikang Filipino ay wika ng pagkakaisa at nagbibigkis sa atin tungo sa isang makabayang bansa,” sabi ni Abelardo. “Ma-halagang linangin natin ito sa mas mataas na antas ng intelektuwalisasyon tulad ng paggamit dito bilang wika ng saliksik,” dagdag pa niya.
Natanggap ni Abelardo ang PHP100,000 gantimpala, plake ng pagkilala, at opsiyong mailathala sa ilalim ng KWF Aklat ng Bayan.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ang pinakaprestihiyosong pagkilala ng KWF sa mga iskolar sa iba’t ibang disiplina at larang na nagsusulat sa wikang Filipino.
Ipinangalan ito sa alaala ni Julian Cruz Balmaseda, nangungunang makata, manunulat, at iskolar ng wika at kulturang Filipino na naglingkod din bilang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa na kilala ngayon bilang KWF.
Comments are closed.