Napakagandang pakiramdam ang makapanood ng isang palabas tungkol sa ating sariling lugar. Di nga ba, pag may isang travel show na nag-shooting sa ating bayan, kakalat agad ang balita kung saan at kelan ito ipalalabas sa telebisyon. Tututok ang lahat upang hindi mapag-iwanan sa kwentuhan kinabukasan.
Mas bongga kung foreigner ang gagawa nito, lalo na kung sasabihin niyang “Ito na nga yata ang pinakamagandang lugar na napuntahan ko sa buong buhay ko!” Walang dudang makakaramdam ka ng “Filipino Pride”.
Ngayong meron nang Social Media, sino pa ba ang walang cellphone? Kaya nga sumikat ang mga vlogger sa Facebook o Youtube. Napakabilis dumami ng mga views sa mga vlog lalo na kung tungkol sa Pilipinas. Mahilig kasi ang Pinoy sa Facebook lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Alam natin kung paano tumatakbo ang mass media. ‘Yong may mga pinakamaraming view, yun ang may mga advertisers. Mas maraming advertisers, mas maraming kita. Mas may pagkakataong gumawa ng iba pang project.
Maaaring kilala rin ninyo ang vlogger na si Nusseir Yassin na sumikat sa “Nas Daily”. Nakilala ang Nas Daily sa mga tig-iisang minutong video tungkol sa mga bagay na ayon sa kaniya ay naglalayong makapagpasaya ng mga manonood. Mas sumikat pa siya sa Pilipinas nang sabihin niyang ang Pilipinas ang paborito niyang bansa sa lahat ng mga bansang napuntahan niya.
Liban dito, nilibot niya ang iba’t ibang bahagi ng bansa at gumawa ng pitong video na tig-iisang minuto na inilabas niya sa loob ng isang linggo araw-araw sa Facebook.
Nagdesisyon si Nas na mamalagi sa Singapore kung saan itinatag niya ang NAS ACADEMY kung saan kasama ang ilang Pilipinong sikat tulad ni Jessica Soho na magtuturo ng pamamahayag at si Michael Cinco na magtuturo ng fashion design.
Pero naging kontrobersyal ang pagkakasama ni Apo Whang-od, ang pinakamatandang mababatok (isang tradisyonal na paraan ng pagtatato mula sa Kalinga). Isa siyang buhay na alamat at di matatawaran ang kanyang galing sa sining ng pagta-tattoo. Kung hindi mo man siya kilala, may isang taong mahilig sa painting o sa tattoo ang naglakad ng tatlong oras upang makapunta sa Buscalan para magkaroon ng pagkakataong lagyan ng tattoo ni Apo Whang-od.
Dahil sa kaniyang kasikatan, maraming kumpanya ang nagtangkang bilhin ang karapatan sa mga disenyong kanyang ginawa ngunit nabigo sila. Bago pa ito napunta sa Nas Academy, sinubukan na ng VANS Philippines na ilagay ang mga ito sa kanilang gagawing mga sapatos. Muntik na itong mangyari, ngunit tumutol ang National Commission of Indeginous People at pinigilan ito.
Sa kaso ni Nas Daily, nagdesisyon silang tanggalin ang Whang-od art sa Academy matapos magsalita ang isa sa mga mambabatok na hindi pumayag ang matandang mambabatok sa usapang ito. May katibayan si Nas na inilagay ni Apo Whang-od ang kaniyang thumb print sa kasunduan, ngunit hindi raw nito nauunawaan ang laman dahil hindi ito isinalin sa wikang alam niya.
Mas uminit pa ang isyu nang magbigay ng statement si Louise de Guzman Mabulo, ang nagtayo ng THE CACAO PROJECT, ng kaniyang karanasan tungkol kay Nas Daily. Ayon sa kaniya, binisita siya ng grupo ni Nas, nagsalita ng mga di kaaya-ayang bagay ukol sa mga Pilipino, at paulit-ulit pang sinabing “mahihirap” ang ating mga kababayan. Ayon sa post ni
Mabulo, si Nas mismo ang nagsabi sa kanya na kailangan lamang niyang mailagay ang salitang “Pilipinas” o “Filipino” sa titulo ay tiyak na magkakaroon ito ng maraming view.
Hindi naman natin pwedeng lahatin ang mga content producers. Maaaring talagang may kakaibang karanasan nga sila sa ating bansa. Sa aking paglalakbay sa ilang bansa, marami ako nakausap na mga dayuhan na nagsasabing nagkaroon sila ng masayang karanasan rito. Marami rin akong nakilalang taon-taon ay bumabalik sa Pilipinas dahil tunay ngang nagustuhan nila ang ating bansa.
Subalit, paano nga ba masasabing tunay silang nagandahan sa ating bansa at hindi nila ginagawa ang tinatawag na “Pinoy Baiting”? Dapat atyong maging mapanuri. Una tingnan kung may sustansiya ang laman ng video. Minsan, may mga video na wala ka nang maririnig kundi papuri. Sobrang papuri na sa totoo lang ay nakaririndi nang ulit-ulitin. Isipin mo na lang, sa loob ng tatlong minuto, puro “sobrang ganda nito” ang maririnig mo. Tapos, kung titingnan mo, ano ba yung sinasabi nilang “sobrang ganda”? Sobrang ganda raw ng dalampasigan pero sa video, parang dawagan na hindi mo naman makita ang ganda. Yun bang minsan, mapapaisip ka, “sobrang normal na lang ba nito sa akin at di ko makitang maganda siya?”
Tandaan nating ang media ay gagawa at gagawa ng mga lathalaing tatangkilikin ng mga tao. Kung kasama tayo sa mga taong basta na lamang manonood ng mga videos dahil nakalagay ang salitang “Pinoy” sa titulo, asahan na nating marami pang ganitong mga lathalain ang lalabas sa hinaharap. Pinagkakakitaan lamang tayo ng mga taong wala naman talagang pakialam kung ano ang mangyari sa atin.
Sa panahong ito, sawang-sawa na tayo sa mga pangit na balita. Ang mga video na nagpapakita ng ganda ng Pilipinas ay nakapagdudulot ng kaunting saya, pero maging mapanuri pa rin. Dahil kung puro magaganda lamang ang nakikita, maaaring makaligtaan natin na sa loob pala ay may isang bagay na nabubulok at kailangang baguhin.
Comments are closed.